Mga Panaghoy 4
- 1Ano't ang ginto ay naging malabo! Ano't ang pinakadalisay na ginto ay nagbago! Ang mga bato ng santuario ay natapon sa dulo ng lahat na lansangan.
- 2Ang mga mahalagang anak ng Sion, na katulad ng dalisay na ginto, ano't pinahahalagahan na waring mga sisidlang lupa, na gawa ng mga kamay ng magpapalyok!
- 3Maging ang mga chakal ay naglalabas ng suso, nangagpapasuso sa kanilang mga anak: ang anak na babae ng aking bayan ay naging mabagsik, parang mga avestruz sa ilang.
- 4Ang dila ng sumususong bata ay nadidikit sa ngalangala ng kaniyang bibig dahil sa uhaw: ang mga munting bata ay nagsisihingi ng tinapay, at walang taong magpuputol nito sa kanila.
- 5Silang nagsisikaing mainam ay nangahandusay sa mga lansangan: silang nagsilaki sa matingkad na pula ay nagsisihiga sa mga tapunan ng dumi.
- 6Sapagka't ang kasamaan ng anak na babae ng aking bayan ay lalong malaki kay sa kasalanan ng Sodoma, na nagiba sa isang sangdali, at walang mga kamay na humawak sa kaniya.
- 7Ang kaniyang mga mahal na tao ay lalong malinis kay sa nieve, mga lalong maputi kay sa gatas; sila'y lalong mapula sa katawan kay sa mga rubi, ang kanilang kinis ay parang zafiro.
- 8Ang kanilang anyo ay lalong maitim kay sa uling; sila'y hindi makilala sa mga lansangan: ang kanilang balat ay naninikit sa kanilang mga buto; natutuyo, nagiging parang tungkod.
- 9Silang napatay ng tabak ay maigi kay sa kanila na napatay ng gutom; sapagka't ang mga ito ay nagsisihapay, na napalagpasan, dahil sa pangangailangan ng mga bunga sa parang.
- 10Ang mga kamay ng mga mahabaging babae ay nangagluto ng kanilang sariling mga anak; mga naging kanilang pagkain sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.
- 11Ginanap ng Panginoon ang kaniyang kapusukan, kaniyang ibinugso ang kaniyang mabangis na galit; at siya'y nagpaalab ng apoy sa Sion, na pumugnaw ng mga patibayan niyaon.
- 12Ang mga hari sa lupa ay hindi nanganiwala, o ang lahat mang nananahan sa sanglibutan, na ang kaaway at kalaban ay papasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem.
- 13Dahil nga sa mga kasalanan ng kaniyang mga propeta, at sa mga kasamaan ng kaniyang mga saserdote, na nagbubo ng dugo ng mga ganap sa gitna niya.
- 14Sila'y nagsisikapa sa mga lansangan na parang mga bulag, sila'y nangadudumhan ng dugo, na anopa't hindi mahipo ng mga tao ang kanilang mga suot.
- 15Magsihiwalay kayo, sila'y nagsisihiyaw sa kanila, Marurumi! magsihiwalay kayo, magsihiwalay kayo, huwag ninyong hipuin: nang sila'y magsitakas at magsilaboy ay sinabi ng mga tao sa gitna ng mga bansa, Hindi na sila nangingibang bayan pa rito.
- 16Pinangalat sila ng galit ng Panginoon; sila'y hindi na niya lilingapin pa. Hindi nila iginagalang ang mga pagkatao ng mga saserdote, hindi nila pinakukundanganan ang mga matanda.
- 17Ang aming mga mata ay nangangalumata dahil sa aming paghihintay ng walang kabuluhang tulong: sa aming paghihintay ay nangaghihintay kami sa isang bansa na hindi makapagligtas.
- 18Kanilang inaabangan ang aming mga hakbang, upang huwag kaming makayaon sa aming mga lansangan: ang aming wakas ay malapit na, ang aming mga kaarawan ay nangaganap; sapagka't ang aming wakas ay dumating.
- 19Ang mga manghahabol sa amin ay lalong maliliksi kay sa mga aguila sa himpapawid: kanilang hinabol kami sa mga bundok, kanilang binakayan kami sa ilang.
- 20Ang hinga ng aming mga butas ng ilong, ang pinahiran ng Panginoon ay nahuli sa kanilang mga hukay; na siya naming pinagsasabihan, sa kaniyang mga lilim ay mabubuhay kami sa mga bansa.
- 21Ikaw ay magalak at matuwa Oh anak na babae ng Edom, na tumatahan sa lupain ng Uz: ang saro ay darating din sa iyo; ikaw ay malalango, at magpapakahubad.
- 22Ang parusa sa iyong kasamaan ay naganap, Oh anak na babae ng Sion, hindi ka na niya dadalhin pa sa pagkabihag: kaniyang dadalawin ang iyong kasamaan, Oh anak na babae ng Edom; kaniyang ililitaw ang iyong mga kasalanan.