Mga Panaghoy 3
- 1Ako ang tao na nakakita ng pagdadalamhati sa pamalo ng iyong poot.
- 2Ako'y kaniyang pinatnubayan at pinalakad sa kadiliman, at hindi sa liwanag.
- 3Tunay na laban sa akin ay kaniyang iginagalaw ang kaniyang kamay na muli't muli buong araw.
- 4Ang aking laman at aking balat ay pinatanda niya; kaniyang binali ang aking mga buto.
- 5Ako'y kinalaban niya, at kinulong ako ng hirap at pagdaramdam.
- 6Kaniyang pinatahan ako sa mga madilim na dako, gaya ng nangamatay nang malaon.
- 7Kaniyang binakuran ako na anopa't ako'y hindi makalabas; kaniyang pinabigat ang aking tanikala.
- 8Oo, pagka ako'y dumadaing, at humihinging tulong, kaniyang pinagsasarhan ang aking daing.
- 9Kaniyang binakuran ang aking mga daan ng tinabas na bato, kaniyang iniliko ang aking mga landas.
- 10Siya'y parang oso na nagaabang sa akin, parang leon sa mga kubling dako.
- 11Kaniyang iniligaw ang aking mga lakad, at ako'y pinagwaraywaray niya; kaniyang ipinahamak ako;
- 12Kaniyang iniakma ang kaniyang busog, at ginawa akong pinaka tanda sa pana.
- 13Ang mga pana ng kaniyang lalagyan ng pana ay kaniyang isinasaksak sa aking mga bato ng katawan.
- 14Ako'y naging kakutyaan sa aking buong bayan, at kanilang awit buong araw.
- 15Kaniyang pinuspos ako ng kapanglawan, kaniyang sinuya ako ng ajenjo.
- 16Kaniya namang biningot ang aking mga ngipin ng mga maliliit na grava; kaniyang tinabunan ako ng mga abo.
- 17At iyong inilayo ang aking kaluluwa sa kapayapaan; ako'y nakalimot ng kaginhawahan.
- 18At aking sinabi, Ang lakas ko'y nawala, at ang aking pagasa sa Panginoon.
- 19Alalahanin mo ang aking pagdadalamhati at ang aking karalitaan, ang ajenjo at ng apdo.
- 20Ang kaluluwa ko'y naaalaala pa nila, at napangumbaba sa loob ko.
- 21Ito ang ginugunita ko sa aking pagiisip; kaya't may pagasa ako.
- 22Sa mga kaawaan nga ng Panginoon ay hindi tayo nalipol, sapagka't ang kaniyang mga habag ay hindi nauubos.
- 23Ang mga yao'y bago tuwing umaga, dakila ang inyong pagtatapat.
- 24Ang Panginoon ay aking bahagi, sabi ng aking kaluluwa; kaya't ako'y aasa sa kaniya.
- 25Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na nangaghihintay sa kaniya, sa kaluluwa na humahanap sa kaniya.
- 26Mabuti nga na ang tao ay umasa at maghintay na tahimik sa pagliligtas ng Panginoon.
- 27Mabuti nga sa tao na magpasan ng pamatok sa kaniyang kabataan.
- 28Maupo siyang magisa at tumahimik, sapagka't kaniyang iniatang sa kaniya.
- 29Sumubsob siya sa alabok, kung gayo'y magkakaroon siya ng pagasa.
- 30Ibigay niya ang kaniyang pisngi sa sumasakit sa kaniya; mapuspos siya ng kadustaan.
- 31Sapagka't ang Panginoon ay hindi magtatakuwil magpakailan man.
- 32Sapagka't bagaman siya'y nagpapapanglaw, gayon ma'y magpapakita siya ng habag ayon sa kasaganaan ng kaniyang mga kaawaan.
- 33Sapagka't siya'y hindi kusang dumadalamhati, o nagpapapanglaw man sa mga anak ng mga tao.
- 34Na yapakan sa ilalim ng paa ang lahat ng bihag sa lupa.
- 35Na iliko ang matuwid ng tao sa harap ng mukha ng Kataastaasan,
- 36Na iligaw ang tao sa kaniyang usap, hindi kinalulugdan ng Panginoon.
- 37Sino siya na nagsasabi, at nangyayari, kung hindi iniuutos ng Panginoon?
- 38Hindi baga sa bibig ng Kataastaasan nanggagaling ang masama't mabuti?
- 39Bakit dumadaing ang taong may buhay, ang tao dahil sa parusa sa kaniyang mga kasalanan?
- 40Ating usisain at suriin ang ating mga lakad, at manumbalik sa Panginoon.
- 41Igawad natin ang ating puso sangpu ng ating mga kamay sa Dios sa langit.
- 42Kami ay sumalangsang at nanghimagsik; ikaw ay hindi nagpatawad.
- 43Tinakpan mo ang iyong sarili ng galit at hinabol mo kami; ikaw ay pumatay, ikaw ay hindi naawa.
- 44Tinakpan mo ang iyong sarili ng alapaap, na anopa't hindi makadaan ang anomang panalangin.
- 45Iyong ginawa kaming parang tapon at dumi sa gitna ng mga bayan.
- 46Ibinukang maluwang ng lahat naming kaaway ang kanilang bibig laban sa amin.
- 47Takot at ang hukay ay dumating sa amin, ang pagkasira at pagkagiba.
- 48Ang mata ko'y dumadaloy ng mga ilog ng tubig, dahil sa pagkapahamak ng anak na babae ng aking bayan.
- 49Ang mata ko'y dinadaluyan at hindi naglilikat, na walang pagitan.
- 50Hanggang sa ang Panginoon ay tumungo, at tumingin mula sa langit.
- 51Kinikilos ng aking mata ang aking kaluluwa, dahil sa lahat na anak na babae ng aking bayan.
- 52Lubha nila akong hinahabol na parang ibon, na mga kaaway kong walang kadahilanan.
- 53Kanilang pinaikli ang aking buhay sa bilangguan at hinagis ako ng bato.
- 54Tubig ay nagsisihuho sa aking ulo; aking sinabi, Ako'y nahiwalay.
- 55Ako'y tumawag sa iyong pangalan, Oh Panginoon, mula sa kababababaang hukay.
- 56Iyong dininig ang aking tinig; huwag mong ikubli ang iyong pakinig sa aking hingal, sa aking daing.
- 57Ikaw ay lumapit sa araw na ako'y tumawag sa iyo; iyong sinabi, Huwag kang matakot.
- 58Oh Panginoon, iyong ipinagsanggalang ang mga usap ng aking kaluluwa; iyong tinubos ang aking buhay.
- 59Oh Panginoon, iyong nakita ang aking pagkakamali; hatulan mo ang aking usap.
- 60Iyong nakita ang lahat nilang panghihiganti, at ang lahat nilang pasiya laban sa akin.
- 61Iyong narinig ang kanilang pagduwahagi, Oh Panginoon, at lahat nilang pasiya laban sa akin,
- 62Ang mga labi ng nagsisibangon laban sa akin, at ang kanilang pasiya laban sa akin buong araw.
- 63Masdan mo ang kanilang pagupo, at ang kanilang pagtayo; ako ang kanilang awit.
- 64Ikaw ay magbibigay sa kanila ng kagantihan, Oh Panginoon, ayon sa gawa ng kanilang mga kamay.
- 65Iyong papagmamatigasin ang kanilang puso, ang iyong sumpa sa kanila.
- 66Iyong hahabulin sila sa galit, at iyong lilipulin sila mula sa silong ng langit ng Panginoon.