Mga Awit 77
- 1Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako.
- 2Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko.
- 3Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa: ako'y nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah)
- 4Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita.
- 5Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon.
- 6Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat.
- 7Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa?
- 8Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako?
- 9Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah)
- 10At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan.
- 11Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una.
- 12Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa.
- 13Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios?
- 14Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao.
- 15Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah)
- 16Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig.
- 17Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos.
- 18Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga.
- 19Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala.
- 20Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron.