Mga Awit 76
- 1Sa Juda ay kilala ang Dios: ang kaniyang pangalan ay dakila sa Israel.
- 2Nasa Salem naman ang kaniyang tabernakulo, at ang kaniyang dakong tahanan ay sa Sion.
- 3Doo'y binali niya ang mga pana ng busog; at kalasag, at ang tabak, at ang pagbabaka. (Selah)
- 4Maluwalhati ka at marilag, mula sa mga bundok na hulihan.
- 5Ang mga puso na matapang ay nasamsaman, sila'y nangatulog ng kanilang pagtulog; at wala sa mga lalaking makapangyarihan na nakasumpong ng kanilang mga kamay.
- 6Sa iyong saway Oh Dios ni Jacob, ang karo at gayon din ang kabayo ay nahandusay sa mahimbing na pagkakatulog.
- 7Ikaw, ikaw ay katatakutan: at sinong makatatayo sa iyong paningin, sa minsang ikaw ay magalit?
- 8Iyong ipinarinig ang hatol mula sa langit; ang lupa ay natakot, at tumahimik,
- 9Nang ang Dios ay bumangon sa paghatol, upang iligtas ang lahat ng maamo sa lupa. (Selah)
- 10Tunay na pupurihin ka ng poot ng tao: ang nalabi sa poot ay ibibigkis mo sa iyo.
- 11Manata ka at tuparin mo sa Panginoon mong Dios: magdala ng mga kaloob sa kaniya na marapat katakutan, yaong lahat na nangasa buong palibot niya.
- 12Kaniyang ihihiwalay ang diwa ng mga pangulo: siya'y kakilakilabot sa mga hari sa lupa.