Mga Kawikaan 1
- 1Ang mga kawikaan ni Salomon na anak ni David na hari sa Israel:
- 2Upang umalam ng karunungan at turo; upang bulayin ang mga salita ng pagkaunawa;
- 3Upang tumanggap ng turo sa pantas na paguugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan;
- 4Upang magbigay ng katalinuhan sa musmos. Kaalaman at pagbubulay sa kabataan:
- 5Upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo:
- 6Upang umunawa ng kawikaan at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi.
- 7Ang takot sa Panginoon ay pasimula ng kaalaman: nguni't ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.
- 8Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang kautusan ng iyong ina:
- 9Sapagka't sila'y magiging tali ng biyaya sa iyong ulo, at mga kuwintas sa ligid ng iyong leeg.
- 10Anak ko, kung ikaw ay hikayatin ng mga makasalanan, huwag mong tulutan.
- 11Kung kanilang sabihin, sumama ka sa amin, tayo'y magsibakay sa pagbububo ng dugo, tayo'y mangagkubli ng silo na walang anomang kadahilanan sa walang sala;
- 12Sila'y lamunin nating buhay na gaya ng Sheol. At buo, na gaya ng nagsibaba sa lungaw;
- 13Tayo'y makakasumpong ng lahat na mahalagang pag-aari, ating pupunuin ang ating mga bahay ng samsam;
- 14Ikaw ay makikipagsapalaran sa gitna namin; magkakaroon tayong lahat ng isang supot:
- 15Anak ko, huwag kang lumakad sa daan na kasama nila; pigilin mo ang iyong paa sa kanilang landas:
- 16Sapagka't ang kanilang mga paa ay nagsisitakbo sa kasamaan, at sila'y nangagmamadali sa pagbububo ng dugo.
- 17Sapagka't walang kabuluhang naladlad ang silo, sa paningin ng alin mang ibon:
- 18At binabakayan ng mga ito ang kanilang sariling dugo, kanilang ipinagkukubli ng silo ang kanilang sariling mga buhay.
- 19Ganyan ang mga lakad ng bawa't sakim sa pakinabang; na nagaalis ng buhay ng mga may-ari niyaon.
- 20Karunungan ay humihiyaw na malakas sa lansangan; kaniyang inilalakas ang kaniyang tinig sa mga luwal na dako;
- 21Siya'y humihiyaw sa mga pangulong dako na pinaglilipunan; sa pasukan ng mga pintuang-bayan, sa bayan, kaniyang binibigkas ang kaniyang mga salita:
- 22Hanggang kailan kayong mga musmos, magsisiibig sa inyong kamusmusan? At ang mga nanunuya ay maliligaya sa panunuya, at ang mga mangmang ay mangagtatanim sa kaalaman?
- 23Magsibalik kayo sa aking saway: narito, aking ibubuhos ang aking espiritu sa inyo.
- 24Sapagka't ako'y tumawag, at kayo'y tumanggi: aking iniunat ang aking kamay, at walang makinig;
- 25Kundi inyong iniuwi sa wala ang buo kong payo, at hindi ninyo inibig ang aking saway:
- 26Ako naman ay tatawa sa kaarawan ng inyong kasakunaan: ako'y manunuya pagka ang inyong takot ay dumarating;
- 27Pagka ang iyong takot ay dumarating na parang bagyo. At ang inyong kasakunaan ay dumarating na parang ipoipo; pagka ang hirap at hapis ay dumating sa inyo.
- 28Kung magkagayo'y tatawag sila sa akin, nguni't hindi ako sasagot; hahanapin nila akong masikap, nguni't hindi nila ako masusumpungan:
- 29Sapagka't kanilang ipinagtanim ang kaalaman, at hindi pinili ang takot sa Panginoon.
- 30Ayaw sila ng aking payo; kanilang hinamak ang buo kong pagsaway:
- 31Kaya't sila'y magsisikain ng bunga ng kanilang sariling lakad, at mabubusog ng kanilang sariling mga kagagawan.
- 32Sapagka't papatayin sila ng pagtalikod ng musmos, at ang pagkawalang balisa ng mga mangmang ay ang sisira sa kanila.
- 33Nguni't ang nakikinig sa akin ay tatahang tiwasay. At tatahimik na walang takot sa kasamaan.