Job 34
- 1Bukod dito'y sumagot si Eliu, at nagsabi,
- 2Dinggin ninyo ang aking mga salita, kayong mga pantas; at pakinggan ninyo ako, ninyong may kaalaman.
- 3Sapagka't ang pakinig ay tumitikim ng mga salita, gaya ng ngalangala na lumalasa ng pagkain.
- 4Ating piliin sa ganang atin ang matuwid: ating alamin sa gitna natin kung ano ang mabuti.
- 5Sapagka't sinabi ni Job, Ako'y matuwid, at inalis ng Dios ang aking katuwiran:
- 6Gayon ma'y akong may matuwid ay nabilang akong sinungaling; at ang aking sugat ay walang kagamutan, bagaman ako'y walang pagsalangsang.
- 7Sinong tao ang gaya ni Job, na umiinom ng pagkaduwahagi na tila tubig,
- 8Na yumayaon na kasama ng mga manggagawa ng kasamaan, at lumalakad na kasama ng mga masamang tao?
- 9Sapagka't kaniyang sinabi, Walang napapakinabang ang tao na siya'y makapagpalugod sa Dios.
- 10Kaya't dinggin ninyo ako, ninyong mga lalaking may unawa: malayo nawa sa Dios na siya'y gumawa ng masama; at sa Makapangyarihan sa lahat, na siya'y magkamit ng kasamaan.
- 11Sapagka't ang gawa ng tao ay tutuusin niya sa kaniya, at ipatatagpo sa bawa't tao ang ayon sa kaniyang mga lakad.
- 12Oo, sa katotohanan, ang Dios ay hindi gagawa ng kasamaan, ni ang Makapangyarihan sa lahat ay sisira ng kahatulan.
- 13Sinong nagbigay sa kaniya ng bilin sa lupa? O sinong nagayos ng buong sanglibutan?
- 14Kung kaniyang ilagak ang kaniyang puso sa tao, kung kaniyang pisanin sa kaniyang sarili ang kaniyang espiritu at ang kaniyang hininga;
- 15Tanang laman ay mamamatay na magkakasama, at ang tao ay mababalik uli sa alabok.
- 16Kung ngayon ay mayroon kang unawa ay dinggin mo ito: Dinggin mo ang tinig ng aking mga salita.
- 17Mamamahala ba ang nagtatanim sa katuwiran? At iyo bang parurusahan siyang ganap at may kaya?
- 18Siya na nagsabi sa isang hari: ikaw ay hamak? O sa mga mahal na tao: Kayo'y masasama?
- 19Na hindi gumagalang sa mga pagkatao ng mga pangulo, ni nagpakundangan man sa mayaman ng higit kay sa mahirap; sapagka't silang lahat ay gawa ng kaniyang mga kamay.
- 20Sa isang sangdali ay nangamamatay sila, kahit sa hating gabi; ang bayan ay inuuga at nawawala, at inaalis ang may kaya ng wala man lamang kamay.
- 21Sapagka't ang kaniyang mga mata ay nangasa lakad ng tao, at nakikita niya ang lahat niyang pagyaon.
- 22Walang kadiliman, ni makapal man pangungulimlim, na mapagtataguan ng mga manggagawa ng kasamaan.
- 23Sapagka't hindi na niya pakukundanganan ang tao, upang siya'y humarap sa Dios sa kahatulan.
- 24Kaniyang niluluray ang mga makapangyarihang tao ng mga paraang di masayod, at naglalagay ng mga iba na kahalili nila.
- 25Kaya't siya'y kumukuhang kaalaman sa kanilang mga gawa; at kaniyang binabaligtad sila sa gabi, na anopa't sila'y nangalilipol.
- 26Kaniyang hinahampas sila na parang masasamang tao sa hayag na paningin ng mga iba,
- 27Sapagka't sila'y nagsilihis ng pagsunod sa kaniya, at hindi binulay ang anoman sa kaniyang mga lakad:
- 28Na anopa't kaniyang pinadating ang daing ng dukha sa kaniya, at dininig niya ang daing ng napipighati.
- 29Pagka siya'y nagbibigay ng katahimikan, sino ngang makahahatol? At pagka kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, sinong makakakita sa kaniya? Maging gawin sa isang bansa, o sa isang tao:
- 30Upang ang taong di banal ay huwag maghari, upang huwag maging silo sa bayan.
- 31Sapagka't may nagsabi ba sa Dios: Aking tinitiis ang parusa, hindi na ako magkakasala pa:
- 32Yaong hindi ko nakikita ay ituro mo sa akin: kung ako'y nakagawa ng kasamaan hindi ko na ito gagawin pa?
- 33Mangyayari pa ba ang kaniyang kagantihan na gaya ng iyong ibig na iyong tinatanggihan? Sapagka't ikaw ang marapat pumili at hindi ako: kaya't salitain mo kung ano ang iyong nalalaman.
- 34Mga taong may unawa ay magsasabi sa akin, Oo, bawa't pantas na taong nakakarinig sa akin:
- 35Si Job ay nagsasalita ng walang kaalaman. At ang kaniyang mga salita ay walang karunungan.
- 36Si Job nawa'y subukin hanggang sa wakas, dahil sa ang kaniyang sagot ay gaya ng mga masamang tao.
- 37Sapagka't siya'y nagdadagdag ng panghihimagsik sa kaniyang kasalanan, kaniyang pinagagalaw ang kaniyang mga kamay sa gitna natin, at pinararami ang kaniyang mga salita laban sa Dios.