Job 33
- 1Gayon man, Job, isinasamo ko sa iyo na, dinggin mo ang aking pananalita, at pakinggan mo ang lahat ng aking mga salita.
- 2Narito, ngayon ay aking ibinuka ang aking bibig; nagsalita ang aking dila sa aking bibig.
- 3Sasaysayin ng aking mga salita ang katuwiran ng aking puso; at ang nalalaman ng aking mga labi ay sasalitaing may pagtatapat.
- 4Nilalang ako ng Espiritu ng Dios, at ang hinga ng Makapangyarihan sa lahat ay nagbibigay sa akin ng buhay.
- 5Kung ikaw ay makasasagot ay sumagot ka sa akin; ayusin mo ang iyong mga salita sa harap ko, tumayo ka.
- 6Narito, ako'y sa Dios na gaya mo: ako ma'y nilalang mula rin sa putik.
- 7Narito, hindi ka tatakutin ng aking kakilabutan, ni ang aking kalakhan man ay magiging mabigat sa iyo.
- 8Tunay na ikaw ay nagsalita sa aking pakinig, at aking narinig ang tinig ng iyong mga salita, na nagsasabi,
- 9Ako'y malinis na walang pagsalangsang; ako'y walang sala, ni may kasamaan man sa akin:
- 10Narito, siya'y nakasumpong ng kadahilanan laban sa akin, ibinilang niya ako na pinakakaaway:
- 11Inilagay niya ang aking mga paa sa mga pangawan, kaniyang pinupuna ang lahat na aking landas.
- 12Narito, ako'y sasagot sa iyo, dito'y hindi ka ganap; sapagka't ang Dios ay dakila kay sa tao.
- 13Bakit ka nakikilaban sa kaniya? Sapagka't hindi siya nagbibigay alam ng anoman sa kaniyang mga usap.
- 14Sapagka't ang Dios ay minsang nagsasalita, Oo, makalawa, bagaman hindi pinakikinggan ng tao.
- 15Sa isang panaginip, sa isang pangitain sa gabi, pagka ang mahimbing na pagkakatulog ay nahuhulog sa mga tao, sa mga pagkakatulog sa higaan;
- 16Kung magkagayo'y ibinubukas niya ang mga pakinig ng mga tao, at itinatatak ang kanilang turo,
- 17Upang ihiwalay ang tao sa kaniyang panukala, at ikubli ang kapalaluan sa tao;
- 18Kaniyang pinipigil ang kaniyang kaluluwa sa pagbulusok sa hukay, at ang kaniyang buhay sa pagkamatay sa pamamagitan ng tabak.
- 19Siya nama'y pinarurusahan ng sakit sa kaniyang higaan, at ng palaging antak sa kaniyang mga buto:
- 20Na anopa't kinayayamutan ng kaniyang buhay ang tinapay, at ng kaniyang kaluluwa ang pagkaing pinakamasarap,
- 21Ang kaniyang laman ay natutunaw, na hindi makita; at ang kaniyang mga buto na hindi nakita ay nangalilitaw.
- 22Oo, ang kaniyang kaluluwa ay nalalapit sa hukay, at ang kaniyang buhay sa mga mangwawasak.
- 23Kung doroong kasama niya ang isang anghel, isang tagapagpaaninaw, na isa sa gitna ng isang libo, upang ipakilala sa tao kung ano ang matuwid sa kaniya;
- 24Kung magkagayo'y binibiyayaan niya siya at nagsasabi, Iligtas mo siya sa pagbaba sa hukay, ako'y nakasumpong ng katubusan.
- 25Ang kaniyang laman ay magiging sariwa kay sa laman ng isang bata; siya'y bumabalik sa mga kaarawan ng kaniyang kabataan:
- 26Siya'y dumadalangin sa Dios, at nililingap niya siya: na anopa't kaniyang nakikita ang kaniyang mukha na may kagalakan: at kaniyang isinasa tao ang kaniyang katuwiran.
- 27Siya'y umaawit sa harap ng mga tao, at nagsasabi, Ako'y nagkasala, at sumira ng matuwid, at hindi ko napakinabangan:
- 28Kaniyang tinubos ang aking kaluluwa sa pagyao sa hukay, at ang aking buhay ay makakakita ng liwanag.
- 29Narito, ang lahat ng mga bagay na ito ay gawa ng Dios, makalawa, oo, makaitlo sa tao,
- 30Upang ibalik ang kaniyang kaluluwa mula sa hukay, upang siya'y maliwanagan ng liwanag ng buhay.
- 31Pansinin mong mabuti, Oh Job, dinggin mo ako: tumahimik ka, at ako'y magsasalita.
- 32Kung ikaw ay may anomang bagay na sasabihin, sagutin mo ako: ikaw ay magsalita, sapagka't ibig kong ariin kang ganap.
- 33Kung hindi, dinggin mo ako: tumahimik ka, at tuturuan kita ng karunungan.