Job 26
- 1Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
- 2Paano mong tinulungan siya na walang kapangyarihan! Paano mong iniligtas ang kamay na walang lakas!
- 3Paano mong pinayuhan siya na walang karunungan, at saganang ipinahayag mo ang mabuting kaalaman!
- 4Kanino mo binigkas ang mga salita? At kanino ang diwa na lumabas sa iyo?
- 5Ang mga patay ay nanginginig sa ilalim ng tubig, at ang mga nananahan doon.
- 6Ang Sheol ay hubad sa harap ng Dios, at ang Abaddon ay walang takip.
- 7Kaniyang iniuunat ang hilagaan sa pagitang walang laman, at ibinibitin ang lupa sa wala.
- 8Kaniyang itinatali ang tubig sa kaniyang masinsing alapaap; at ang alapaap ay hindi nahahapak sa ilalim nila.
- 9Kaniyang tinatakpan ang ibabaw ng kaniyang luklukan, at iniladlad ang kaniyang mga alapaap sa ibabaw niyaon.
- 10Siya'y gumuguhit ng isang hangganan sa ibabaw ng tubig, hanggang sa pinagsasalikupan ng liwanag at kadiliman.
- 11Ang mga haligi ng langit ay nagsisipanginig. At nangatitigilan sa kaniyang saway.
- 12Kaniyang pinapag-iinalon ang dagat ng kaniyang kapangyarihan, at sa kaniyang kaalaman ay sinasaktan niya ang Rahab.
- 13Sa pamamagitan ng kaniyang Espiritu ay ginayakan niya ang langit; sinaksak ng kaniyang mga kamay ang maliksing ahas.
- 14Narito, ang mga ito ang mga gilid lamang ng kaniyang mga daan: at pagkarahan ng bulong na ating naririnig sa kaniya! Nguni't sinong makakaunawa ng kulog ng kaniyang kapangyarihan?