Job 17
- 1Ang aking diwa ay nanglulumo, ang aking mga kaarawan ay natatapos, ang libingan ay handa sa akin.
- 2Tunay na may mga manunuya na kasama ako, at ang aking mata ay nananahan sa kanilang pamumungkahi.
- 3Magbigay ka ngayon ng sangla, panagutan mo ako ng iyong sarili; sinong magbubuhat ng mga kamay sa akin?
- 4Sapagka't iyong ikinubli ang kanilang puso sa pagunawa: kaya't hindi mo sila itataas.
- 5Ang paglililo sa kaniyang mga kaibigan upang mahuli, ang mga mata nga ng kaniyang mga anak ay mangangalumata.
- 6Nguni't ginawa rin niya akong kakutyaan ng bayan: at niluraan nila ako sa mukha.
- 7Ang aking mata naman ay nanglalabo dahil sa kapanglawan. At ang madlang sangkap ko ay parang isang anino.
- 8Mga matuwid na tao ay matitigilan nito, at ang walang sala ay babangon laban sa di banal.
- 9Gayon ma'y magpapatuloy ang matuwid ng kaniyang lakad, at ang may malinis na mga kamay ay lalakas ng lalakas.
- 10Nguni't tungkol sa inyong lahat, magsiparito kayo ngayon uli; at hindi ako makakasumpong ng isang pantas sa gitna ninyo.
- 11Ang aking mga kaarawan ay lumipas, ang aking mga panukala ay nangasira, sa makatuwid baga'y ang mga akala ng aking puso.
- 12Kanilang ipinalit ang araw sa gabi: ang liwanag, wika nila, ay malapit sa kadiliman.
- 13Kung aking hanapin ang Sheol na parang aking bahay; kung aking ilatag ang aking higaan sa kadiliman:
- 14Kung sinabi ko sa kapahamakan: ikaw ay aking ama: sa uod: ikaw ay aking ina, at aking kapatid na babae;
- 15Nasaan nga ang aking pagasa? At tungkol sa aking pagasa, sinong makakakita?
- 16Lulusong sa mga pangawan ng Sheol, pagtataglay ng kapahingahan sa alabok.