Job 16
- 1Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
- 2Ako'y nakarinig ng maraming ganyang bagay: maralitang mga mangaaliw kayong lahat.
- 3Magkakawakas ba ang mga walang kabuluhang salita? O anong naguudyok sa iyo, na ikaw ay sumagot?
- 4Ako nama'y makapangungusap na gaya ng inyong ginagawa; kung ang inyong kaluluwa ay nasa kalagayan ng aking kaluluwa, ako'y makapagdudugtongdugtong ng salita laban sa inyo, at maigagalaw ang aking ulo sa inyo.
- 5Nguni't aking palalakasin kayo ng aking bibig, at ang pagaliw ng aking mga labi ay magpapalikat ng inyong hirap,
- 6Bagaman ako'y nagsasalita, ang aking hirap ay hindi naglilikat: at bagaman ako'y tumatahimik, anong ikinalalayo sa akin?
- 7Nguni't ngayo'y niyamot niya ako: nilansag mo ang aking buong pulutong.
- 8At ako'y pinagdalamhati mo, na siyang saksi laban sa akin; at ang aking kapayatan ay bumabangon laban sa akin, nagpapatotoo sa aking mukha.
- 9Niluray niya ako sa kaniyang kapootan, at inusig ako; pinagngangalitan niya ako ng kaniyang mga ngipin: pinangdidilatan ako ng mga mata ng aking kaaway.
- 10Kanilang pinagbubukahan ako ng kanilang bibig: kanilang sinampal ako sa mukha na kahiyahiya: sila'y nagpipisan laban sa akin.
- 11Ibinibigay ako ng Dios sa di banal, at inihahagis niya ako sa mga kamay ng masama.
- 12Ako'y nasa kaginhawahan at kaniyang niligalig akong mainam; Oo, sinunggaban niya ako sa leeg, at pinagwaraywaray niya ako: inilagay naman niya akong pinakatanda niya.
- 13Kinubkob ako sa palibot ng kaniyang mga mamamana, kaniyang sinaksak ang aking mga bato, at hindi nagpapatawad; kaniyang ibinubuhos ang aking apdo sa lupa.
- 14Kaniyang binubugbog ako ng bugbog at bugbog; siya'y gaya ng isang higanti na dinadaluhong niya ako.
- 15Ako'y nanahi ng kayong magaspang sa aking katawan, at aking inilugmok ang aking kapalaluan sa alabok.
- 16Ang aking mukha ay namamaga sa pagiyak, at nasa aking mga pilik-mata ang anino ng kamatayan;
- 17Bagaman walang karahasan sa aking mga kamay, at ang aking dalangin ay malinis,
- 18Oh lupa, huwag mong tabunan ang aking dugo, at huwag magkaroon ng pahingahang dako ang aking daing.
- 19Kahit na ngayon, narito, ang aking saksi ay nasa langit, at siyang nananagot sa akin ay nasa kaitaasan.
- 20Ginagalit ako ng aking mga kaibigan: nguni't ang aking mata ay nagbubuhos ng mga luha sa Dios;
- 21Upang kaniyang alalayan ang katuwiran ng tao sa Dios; at ang anak ng tao sa kaniyang kapuwa.
- 22Sapagka't pagsapit ng ilang taon, ako'y papanaw sa daan na hindi ko pagbabalikan.