Mga Awit 88
- 1Oh Panginoon, na Dios ng aking kaligtasan, ako'y dumaing araw at gabi sa harap mo:
- 2Masok ang aking dalangin sa iyong harapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa aking daing:
- 3Sapagka't ang aking kaluluwa ay lipos ng mga kabagabagan, at ang aking buhay ay nalalapit sa Sheol,
- 4Ako'y nabilang sa kanila na nagsisibaba sa hukay; ako'y parang taong walang lakas:
- 5Nakahagis sa gitna ng mga patay, gaya ng napatay na nakahiga sa libingan, na hindi mo na inaalaala; at sila'y mangahiwalay sa iyong kamay.
- 6Iyong inilapag ako sa pinakamalalim na hukay, sa mga madilim na dako, sa mga kalaliman.
- 7Lubhang idinidiin ako ng iyong poot, at iyong pinighati ako ng lahat mong mga alon. (Selah)
- 8Iyong inilayo sa akin ang kakilala ko; iyong ginawa akong kasuklamsuklam sa kanila: ako'y nakulong at hindi ako makalabas,
- 9Ang mata ko'y nangangalumata dahil sa kadalamhatian: ako'y tumawag araw-araw sa iyo, Oh Panginoon, aking iginawad ang mga kamay ko sa iyo.
- 10Magpapakita ka ba ng mga kababalaghan sa mga patay? Sila bang mga patay ay magsisibangon, at magsisipuri sa iyo? (Selah)
- 11Ang iyo bang kagandahang-loob ay ipahahayag sa libingan? O ang iyong pagtatapat sa kagibaan?
- 12Malalaman ba ang mga kababalaghan mo sa dilim? At ang katuwiran mo sa lupain ng pagkalimot?
- 13Nguni't sa iyo, Oh Panginoon, dumaing ako, at sa kinaumagahan ay darating ang dalangin ko sa harap mo.
- 14Panginoon, bakit mo itinatakuwil ang kaluluwa ko? Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha sa akin?
- 15Ako'y nadadalamhati, at handang mamatay mula sa aking kabataan: habang aking tinitiis ang iyong mga kakilakilabot na bagay ay nakakalingat ako.
- 16Ang iyong mabangis na poot ay dumaan sa akin; inihiwalay ako ng iyong mga kakilakilabot na bagay.
- 17Kanilang kinulong ako na parang tubig buong araw; kinubkob ako nilang magkakasama.
- 18Mangliligaw at kaibigan ay inilayo mo sa akin, at ang aking kakilala ay sa dilim.