Mga Awit 80
- 1Dinggin mo, Oh Pastor ng Israel, ikaw na pumapatnubay sa Jose na parang kawan; ikaw na nauupo sa ibabaw ng mga querubin, sumilang ka.
- 2Sa harap ng Ephraim, ng Benjamin at ng Manases, ay mapukaw nawa ang kapangyarihan mo, at parito kang iligtas mo kami.
- 3Papanumbalikin mo kami, Oh Dios; at pasilangin mo ang iyong mukha, at maliligtas kami.
- 4Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, hanggang kailan magagalit ka laban sa dalangin ng iyong bayan?
- 5Iyong pinakain sila ng tinapay na mga luha, at binigyan mo sila ng mga luha upang inumin ng sagana.
- 6Iyong ginawa kaming kaalitan sa aming mga kalapit bansa: at ang mga kaaway namin ay nagtatawanan.
- 7Ibalik mo kami, Oh Dios ng mga hukbo; at pasilangin mo ang iyong mukha at kami ay maliligtas.
- 8Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Egipto; iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo yaon.
- 9Ikaw ay naghanda ng dako sa harap niya, at napailalim ang ugat, at pinuno ang lupain.
- 10Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyaon, at ang mga sanga niyaon ay gaya ng mga sedro ng Dios.
- 11Kaniyang pinaabot ang kaniyang mga sanga hanggang sa dagat, at ang kaniyang mga suwi hanggang sa ilog.
- 12Bakit mo ibinagsak ang kaniyang mga bakod, na anopa't siya'y binubunot nilang lahat na nangagdadaan?
- 13Sinisira ng baboy-ramo, at sinasabsab ng mailap na hayop sa parang.
- 14Bumalik ka uli, isinasamo ko sa iyo, Oh Dios ng mga hukbo: tumungo ka mula sa langit, at iyong masdan, at dalawin mo ang puno ng ubas na ito,
- 15At ang ubasan na itinanim ng iyong kanan, at ang suwi na iyong pinalakas para sa iyong sarili.
- 16Nasunog ng apoy, at naputol: sila'y nalipol sa saway ng iyong mukha.
- 17Mapatong nawa ang iyong kamay sa tao na iyong kinakanan. Sa anak ng tao na iyong pinalakas sa iyong sarili.
- 18Sa gayo'y hindi kami magsisitalikod sa iyo: buhayin mo kami, at tatawagan namin ang iyong pangalan.
- 19Papanumbalikin mo kami, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo; pasilangin mo ang iyong mukha at maliligtas kami.