Mga Awit 59
- 1Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, Oh Dios ko: ilagay mo ako sa mataas sa kanila na nagsisibangon laban sa akin.
- 2Iligtas mo ako sa mga manggagawa ng kasamaan, at iligtas mo ako sa mga mabagsik na tao.
- 3Sapagka't narito, kanilang binabakayan ang aking kaluluwa; ang mga makapangyarihan ay nagpipisan laban sa akin: hindi dahil sa aking pagsalangsang, o sa aking kasalanan man, Oh Panginoon.
- 4Sila'y nagsisitakbo at nagsisihanda na wala akong sala: ikaw ay gumising na tulungan mo ako, at masdan mo.
- 5Sa makatuwid baga'y ikaw, Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, na Dios ng Israel, ikaw ay bumangon upang iyong dalawin ang lahat ng mga bansa: huwag kang maawa sa kanino mang masamang mananalangsang. (Selah)
- 6Sila'y nagsibalik sa kinahapunan, sila'y nagsitahol na parang aso, at nililigid ang bayan.
- 7Narito, sila'y nanunungayaw ng kanilang bibig; mga tabak ay nangasa kanilang mga labi: sapagka't sino, sabi nila, ang nakikinig?
- 8Nguni't ikaw, Oh Panginoon, tatawa sa kanila; iyong tutuyain ang lahat ng mga bansa.
- 9Dahil sa kaniyang kalakasan, didinggin kita; sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog.
- 10Ang aking Dios pati ng kaniyang kagandahang-loob ay sasalubong sa akin: ipakikita ng Dios sa akin ang aking nasa sa aking mga kaaway.
- 11Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan; pangalatin mo sila ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila, Oh Panginoon na kalasag namin.
- 12Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi, makuha nawa sila sa kanilang kapalaluan, at dahil sa sumpa at pagsisinungaling na kanilang sinalita.
- 13Pugnawin mo sila sa poot, pugnawin mo sila, upang sila'y mawala: at ipakilala mo sa kanila na ang Dios ay nagpupuno sa Jacob, hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
- 14At sa kinahapunan ay papagbalikin mo sila, pahagulhulin mo silang parang aso, at libutin nila ang bayan.
- 15Sila'y gagala na magmamanhik-manaog dahil sa pagkain, at maghihintay buong gabi kung hindi sila mabusog.
- 16Nguni't aking aawitin ang iyong kalakasan; Oo, aking aawiting malakas ang iyong kagandahang-loob sa kinaumagahan: sapagka't ikaw ay naging aking matayog na moog, at kanlungan sa kaarawan ng aking kabagabagan.
- 17Sa iyo, Oh kalakasan ko, aawit ako ng mga pagpuri: sapagka't ang Dios ay aking matayog na moog, ang Dios ng aking kaawaan.