Mga Awit 47
- 1Oh ipakpak ang inyong mga kamay ninyong lahat na mga bayan; magsihiyaw kayo sa Dios ng tinig ng pagtatagumpay.
- 2Sapagka't ang Panginoong kataastaasan ay kakilakilabot; siya'y dakilang Hari sa buong lupa.
- 3Kaniyang pasusukuin ang mga bayan sa ilalim natin, at ang mga bansa sa ilalim ng ating mga paa.
- 4Kaniyang ipipili tayo ng ating mana, ang karilagan ni Jacob na kaniyang minahal. (Selah)
- 5Ang Dios ay napailanglang na may hiyawan, ang Panginoon na may tunog ng pakakak.
- 6Kayo'y magsiawit ng mga pagpuri sa Dios, kayo'y magsiawit ng mga pagpuri: kayo'y magsiawit ng mga pagpuri sa ating Hari, kayo'y magsiawit ng mga pagpuri.
- 7Sapagka't ang Dios ay Hari ng buong lupa: magsiawit kayo ng mga pagpuri na may pagunawa.
- 8Ang Dios ay naghahari sa mga bansa: ang Dios ay nauupo sa kaniyang banal na luklukan.
- 9Ang mga pangulo ng mga bayan ay nangapipisan upang maging bayan ng Dios ni Abraham; sapagka't ang mga kalasag ng lupa ay ukol sa Dios; siya'y totoong bunyi.