Mga Awit 44
- 1Narinig namin ng aming mga pakinig, Oh Dios, isinaysay sa amin ng aming mga magulang, kung anong gawa ang iyong ginawa sa kanilang mga kaarawan, ng mga kaarawan ng una.
- 2Iyong itinaboy ng iyong kamay ang mga bansa, nguni't itinatag mo sila; iyong dinalamhati ang mga bayan, nguni't iyong pinangalat sila.
- 3Sapagka't hindi nila tinamo ang lupain na pinakaari sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak, ni iniligtas man sila ng kanilang sariling kamay: kundi ng iyong kanan, at ng iyong bisig, at ng liwanag ng iyong mukha, sapagka't iyong nilingap sila.
- 4Ikaw ang aking Hari, Oh Dios: magutos ka ng kaligtasan sa Jacob.
- 5Dahil sa iyo'y itutulak namin ang aming mga kaaway: sa iyong pangalan ay yayapakan namin sila na nagsisibangon laban sa amin.
- 6Sapagka't hindi ako titiwala sa aking busog, ni ililigtas man ako ng aking tabak.
- 7Nguni't iniligtas mo kami sa aming mga kaaway, at inilagay mo sila sa kahihiyan na nangagtatanim sa amin.
- 8Sa Dios ay naghahambog kami buong araw, at mangagpapasalamat kami sa iyong pangalan magpakailan man. (Selah)
- 9Nguni't ngayo'y itinakuwil mo kami, at inilagay mo kami sa kasiraang puri; at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
- 10Iyong pinatatalikod kami sa kaaway: at silang nangagtatanim sa amin ay nagsisisamsam ng sa ganang kanilang sarili.
- 11Iyong ibinigay kaming gaya ng mga tupa na pinaka pagkain; at pinangalat mo kami sa mga bansa.
- 12Iyong ipinagbibili ang iyong bayan na walang bayad, at hindi mo pinalago ang iyong kayamanan sa pamamagitan ng kanilang halaga.
- 13Ginawa mo kaming katuyaan sa aming mga kapuwa, isang kasabihan at kadustaan nila na nangasa palibot namin.
- 14Iyong ginawa kaming kawikaan sa gitna ng mga bansa, at kaugaan ng ulo sa gitna ng mga bayan.
- 15Buong araw ay nasa harap ko ang aking kasiraang puri, at ang kahihiyan ng aking mukha ay tumakip sa akin,
- 16Dahil sa tinig niya na dumuduwahagi at tumutungayaw; dahil sa kaaway at sa manghihiganti.
- 17Lahat ng ito'y dumating sa amin; gayon ma'y hindi namin kinalimutan ka, ni gumawa man kami na may karayaan sa iyong tipan.
- 18Ang aming puso ay hindi tumalikod, ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
- 19Na kami ay iyong lubhang nilansag sa dako ng mga chakal, at tinakpan mo kami ng lilim ng kamatayan.
- 20Kung aming nilimot ang pangalan ng aming Dios, O aming iniunat ang aming mga kamay sa ibang dios;
- 21Hindi ba sisiyasatin ito ng Dios? Sapagka't nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
- 22Oo, dahil sa iyo ay pinapatay kami buong araw; kami ay nabilang na parang mga tupa sa patayan.
- 23Ikaw ay gumising, bakit ka natutulog, Oh Panginoon? Ikaw ay bumangon, huwag mo kaming itakuwil magpakailan man.
- 24Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha, at kinalilimutan mo ang aming kadalamhatian at aming kapighatian?
- 25Sapagka't ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok: ang aming katawan ay nadidikit sa lupa.
- 26Ikaw ay bumangon upang kami ay tulungan, at tubusin mo kami dahil sa iyong kagandahang-loob.