Mga Awit 30
- 1Dadakilain kita, Oh Panginoon; sapagka't itinindig mo ako, at hindi mo pinagalak sa akin ang aking mga kaaway.
- 2Oh Panginoon kong Dios, dumaing ako sa iyo, at ako'y pinagaling mo.
- 3Oh Panginoon, iyong isinampa ang aking kaluluwa mula sa Sheol: iyong iningatan akong buhay, upang huwag akong bumaba sa hukay.
- 4Magsiawit kayo ng pagpuri sa Panginoon, Oh kayong mga banal niya, at mangagpasalamat kayo sa kaniyang banal na pangalan.
- 5Sapagka't ang kaniyang galit ay sangdali lamang; ang kaniyang paglingap ay habang buhay: pagiyak ay magtatagal ng magdamag, nguni't kagalakan ay dumarating sa kinaumagahan.
- 6Tungkol sa akin, sinabi ko sa aking kaginhawahan: hindi ako makikilos kailan man.
- 7Ikaw, Panginoon, sa iyong paglingap ay pinatayo mong matibay ang aking bundok: iyong ikinubli ang iyong mukha; ako'y nabagabag.
- 8Ako'y dumaing sa iyo, Oh Panginoon; at sa Panginoon ay gumawa ako ng pamanhik:
- 9Anong pakinabang magkakaroon sa aking dugo, pagka ako'y mababa sa hukay? Pupuri ba sa iyo ang alabok? magsasaysay ba ito ng iyong katotohanan?
- 10Iyong dinggin, Oh Panginoon, at maawa ka sa akin: Panginoon, maging saklolo nawa kita.
- 11Iyong pinapaging sayaw sa akin ang aking tangis; iyong kinalag ang aking kayong magaspang, at binigkisan mo ako ng kasayahan:
- 12Upang ang pagluwalhati ko ay umawit na pagpupuri sa iyo at huwag maging tahimik: Oh Panginoon kong Dios, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailan man.