Mga Awit 25
- 1Sa iyo, Oh Panginoon, iginagawad ko ang aking kaluluwa.
- 2Oh Dios ko sa iyo'y tumiwala ako, huwag nawa akong mapahiya; huwag nawang magtagumpay sa akin ang aking mga kaaway.
- 3Oo, walang naghihintay sa iyo na mapapahiya; sila'y mangapapahiya na nagsisigawa ng karayaan ng walang kadahilanan,
- 4Ituro mo sa akin ang iyong mga daan, Oh Panginoon; ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
- 5Patnubayan mo ako sa iyong katotohanan, at ituro mo sa akin; sapagka't ikaw ay Dios ng aking kaligtasan; sa iyo'y naghihintay ako buong araw.
- 6Iyong alalahanin, Oh Panginoon, ang iyong malumanay na mga kaawaan, at ang iyong mga kagandahang-loob; sapagka't magpakailan man mula ng una.
- 7Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsalangsang: ayon sa iyong kagandahang-loob ay alalahanin mo ako, dahil sa iyong kabutihan, Oh Panginoon.
- 8Mabuti at matuwid ang Panginoon: kaya't tuturuan niya ang mga makasalanan sa daan.
- 9Ang maamo ay papatnubayan niya sa kahatulan: at ituturo niya sa maamo ang daan niya.
- 10Lahat na landas ng Panginoon ay kagandahang-loob at katotohanan sa mga gayon na nangagiingat ng kaniyang tipan at kaniyang mga patotoo.
- 11Dahil sa iyong pangalan, Oh Panginoon, iyong ipatawad ang aking kasamaan, sapagka't malaki.
- 12Anong tao siya na natatakot sa Panginoon? Siya ang tuturuan niya ng daan na kaniyang pipiliin.
- 13Ang kaniyang kaluluwa ay tatahan sa kaginhawahan; at mamanahin ng kaniyang binhi ang lupain.
- 14Ang pakikipagibigan ng Panginoon ay nasa nangatatakot sa kaniya; at ipakikilala niya sa kanila ang kaniyang tipan.
- 15Ang aking mga mata ay palaging na sa Panginoon; sapagka't huhugutin niya ang aking mga paa sa silo.
- 16Panumbalikan mo ako, at maawa ka sa akin; sapagka't ako'y nag-iisa at nagdadalamhati.
- 17Ang kabagabagan ng aking puso ay lumaki: Oh hanguin mo ako sa aking kapanglawan.
- 18Gunitain mo ang aking pagkapighati at aking damdam; at ipatawad mo ang lahat kong mga kasalanan.
- 19Masdan mo ang aking mga kaaway, sapagka't sila'y marami; at pinagtataniman nila ako ng mabagsik na pagkagalit.
- 20Oh ingatan mo ang aking kaluluwa, at iyong iligtas ako: huwag nawa akong mapahiya, sapagka't nanganganlong ako sa iyo.
- 21Magingat sa akin ang pagtatapat at katuwiran, sapagka't hinihintay kita.
- 22Tubusin mo ang Israel, Oh Dios, mula sa lahat na kaniyang kabagabagan.