Mga Awit 2
- 1Bakit ang mga bansa ay nangagugulo, at ang mga bayan ay nangagaakala ng walang kabuluhang bagay?
- 2Ang mga hari sa lupa ay nagsisihanda, at ang mga pinuno ay nagsasanggunian, Laban sa Panginoon at laban sa kaniyang pinahiran ng langis, na sinasabi:
- 3Lagutin natin ang kanilang tali, at ating iwaksi ang kanilang mga panali sa atin.
- 4Siyang nauupo sa kalangitan ay tatawa: ilalagay sila ng Panginoon sa kakutyaan.
- 5Kung magkagayo'y magsasalita siya sa kanila sa kaniyang poot, at babagabagin sila sa kaniyang malabis na sama ng loob:
- 6Gayon ma'y inilagay ko ang aking hari sa aking banal na bundok ng Sion.
- 7Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya: sinabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay aking anak; sa araw na ito ay ipinanganak kita.
- 8Humingi ka sa akin, at ibibigay ko sa iyo ang mga bansa na iyong pinakamana, at ang mga pinakadulong bahagi ng lupa ay iyong pinakaari.
- 9Sila'y iyong babaliin ng isang pamalong bakal; iyong dudurugin sila na parang isang sisidlan ng magpapalyok.
- 10Ngayon nga'y magpakapantas kayo, Oh kayong mga hari: mangatuto kayo, kayong mga hukom sa lupa.
- 11Kayo'y mangaglingkod sa Panginoon na may takot, at mangagalak na may panginginig.
- 12Hagkan ninyo ang anak, baka magalit siya, at kayo'y mangapahamak sa daan, sapagka't ang kaniyang poot ay madaling magalab. Mapapalad ang nanganganlong sa kaniya.