Mga Awit 145
- 1Ibubunyi kita, Dios ko, Oh Hari; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
- 2Araw-araw ay pupurihin kita; at aking pupurihin ang pangalan mo magpakailan-kailan pa man.
- 3Dakila ang Panginoon, at marapat na purihin; at ang kaniyang kadakilaan ay hindi masayod.
- 4Ang isang lahi ay pupuri ng iyong mga gawa sa isa. At ipahahayag ang iyong mga makapangyarihang gawa.
- 5Sa maluwalhating kamahalan ng iyong karangalan, at sa iyong mga kagilagilalas na mga gawa, magbubulay ako.
- 6At ang mga tao ay mangagsasalita ng kapangyarihan ng iyong kakilakilabot na mga gawa; at aking ipahahayag ang iyong kadakilaan.
- 7Kanilang sasambitin ang alaala sa iyong dakilang kabutihan, at aawitin nila ang iyong katuwiran.
- 8Ang Panginoon ay mapagbiyaya, at puspos ng kahabagan; banayad sa pagkagalit, at dakila sa kagandahang-loob.
- 9Ang Panginoon ay mabuti sa lahat; at ang kaniyang mga malumanay na kaawaan ay nasa lahat niyang mga gawa.
- 10Lahat mong mga gawa ay mangagpapasalamat sa iyo Oh Panginoon; at pupurihin ka ng iyong mga banal.
- 11Sila'y mangagsasalita ng kaluwalhatian ng iyong kaharian, at mangungusap ng iyong kapangyarihan;
- 12Upang ipabatid sa mga anak ng mga tao ang kaniyang mga makapangyarihang gawa, at ang kaluwalhatian ng kamahalan ng kaniyang kaharian.
- 13Ang kaharian mo'y walang hanggang kaharian, at ang kapangyarihan mo'y sa lahat ng sali't saling lahi.
- 14Inaalalayan ng Panginoon ang lahat na nangabubuwal, at itinatayo yaong nangasusubasob.
- 15Ang mga mata ng lahat ay nangaghihintay sa iyo; at iyong ibinigay sa kanila ang kanilang pagkain sa ukol na panahon.
- 16Iyong binubuksan ang iyong kamay, at sinasapatan mo ang nasa ng bawa't bagay na may buhay.
- 17Ang Panginoon ay matuwid sa lahat niyang daan, at mapagbiyaya sa lahat niyang mga gawa.
- 18Ang Panginoon ay malapit sa lahat na nagsisitawag sa kaniya, sa lahat na nagsisitawag sa kaniya sa katotohanan.
- 19Kaniyang tutuparin ang nasa nila na nangatatakot sa kaniya; kaniya ring didinggin ang kanilang daing, at ililigtas sila.
- 20Iniingatan ng Panginoon ang lahat na nagsisiibig sa kaniya; nguni't lahat ng masama ay lilipulin niya.
- 21Ang aking bibig ay magsasalita ng kapurihan ng Panginoon; at purihin ng lahat na laman ang kaniyang banal na pangalan magpakailan-kailan pa man.