Mga Awit 14
- 1Ang mangmang ay nagsabi sa kaniyang puso, walang Dios: sila'y nangapapahamak, sila'y nagsigawa ng kasuklamsuklam na mga gawa; walang gumagawa ng mabuti,
- 2Tinutunghan ng Panginoon ang mga anak ng mga tao mula sa langit, upang tingnan, kung may sinomang nakakaunawa, na hinahanap ng Dios.
- 3Silang lahat ay nagsihiwalay; sila'y magkakasama na naging kahalayhalay; walang gumagawa ng mabuti, wala, wala kahit isa.
- 4Wala bang kaalaman ang lahat na manggagawa ng kasamaan? na siyang nagsisikain sa aking bayan na tila nagsisikain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Panginoon.
- 5Doo'y nangapasa malaking katakutan sila: sapagka't ang Dios ay nasa lahi ng matuwid.
- 6Inyong inilalagay sa kahihiyan ang payo ng dukha, sapagka't ang Panginoon ang kaniyang kanlungan.
- 7Oh kung ang kaligtasan ng Israel ay nanggagaling sa Sion! Kung ibabalik ng Panginoon ang nangabihag ng kaniyang bayan, magagalak nga ang Jacob, at masasayahan ang Israel.