Mga Awit 132
- 1Panginoon, alalahanin mo para kay David ang lahat niyang kadalamhatian;
- 2Kung paanong sumumpa siya sa Panginoon, at nanata sa Makapangyarihan ni Jacob:
- 3Tunay na hindi ako papasok sa tabernakulo ng aking bahay, ni sasampa man sa aking higaan,
- 4Hindi ako magbibigay ng pagkakatulog sa aking mga mata, o magpapaidlip man sa aking mga talukap-mata;
- 5Hanggang sa ako'y makasumpong ng dakong ukol sa Panginoon, ng tabernakulo ukol sa Makapangyarihan ni Jacob.
- 6Narito, narinig namin sa Ephrata: aming nasumpungan sa mga parang ng gubat.
- 7Kami ay magsisipasok sa kaniyang tabernakulo; kami ay magsisisamba sa harap ng kaniyang tungtungan.
- 8Bumangon ka, Oh Panginoon, sa iyong pahingahang dako: ikaw, at ang kaban ng iyong kalakasan.
- 9Magsipagsuot ang iyong mga saserdote ng katuwiran; at magsihiyaw ang iyong mga banal dahil sa kagalakan.
- 10Dahil sa iyong lingkod na kay David huwag mong ipihit ang mukha ng iyong pinahiran ng langis.
- 11Ang Panginoon ay sumumpa kay David sa katotohanan; hindi niya babaligtarin: ang bunga ng iyong katawan ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
- 12Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan. At ang aking patotoo na aking ituturo, magsisiupo naman ang kanilang mga anak sa iyong luklukan magpakailan man.
- 13Sapagka't pinili ng Panginoon ang Sion; kaniyang ninasa na pinaka tahanan niya.
- 14Ito'y aking pahingahang dako magpakailan man. Dito ako tatahan; sapagka't aking ninasa.
- 15Aking pagpapalain siyang sagana sa pagkain; aking bubusugin ng pagkain ang kaniyang dukha.
- 16Ang kaniya namang mga saserdote ay susuutan ko ng kaligtasan: at ang kaniyang mga banal ay magsisihiyaw ng malakas sa kagalakan.
- 17Doo'y aking pamumukuhin ang sungay ni David: aking ipinaghanda ng ilawan ang aking pinahiran ng langis.
- 18Ang kaniyang mga kaaway ay susuutan ko ng kahihiyan: nguni't sa kaniya'y mamumulaklak ang kaniyang putong.