Mga Awit 113
- 1Purihin ninyo ang Panginoon. Purihin ninyo, Oh ninyong mga lingkod ng Panginoon, purihin ninyo ang pangalan ng Panginoon.
- 2Purihin ang pangalan ng Panginoon mula sa panahong ito at magpakailan man.
- 3Mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyaon ang pangalan ng Panginoon ay pupurihin,
- 4Ang Panginoon ay mataas na higit sa lahat ng mga bansa, at ang kaniyang kaluwalhatian ay sa itaas ng mga langit.
- 5Sino ang gaya ng Panginoon nating Dios, na may kaniyang upuan sa itaas,
- 6Na nagpapakababang tumitingin ng mga bagay na nangasa sa langit at sa lupa?
- 7Kaniyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok, at itinataas ang mapagkailangan mula sa dumi;
- 8Upang maupo siya na kasama ng mga pangulo, sa makatuwid baga'y ng mga pangulo ng kaniyang bayan.
- 9Kaniyang pinapagiingat ng bahay ang baog na babae, at maging masayang ina ng mga anak. Purihin ninyo ang Panginoon.