Mga Kawikaan 8
- 1Hindi ba umiiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig?
- 2Sa taluktok ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya'y tumatayo;
- 3Sa tabi ng mga pintuang-bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya'y humihiyaw ng malakas:
- 4Sa inyo, Oh mga lalake, ako'y tumatawag; at ang aking tinig ay sa mga anak ng mga tao.
- 5Oh kayong mga musmos, magsiunawa kayo ng katalinuhan; at, kayong mga mangmang, makaunawa kayo sa puso.
- 6Kayo'y mangakinig, sapagka't magsasalita ako ng mga marilag na bagay; at ang buka ng aking mga labi ay magiging mga matuwid na bagay,
- 7Sapagka't ang aking bibig ay sasambit ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aking mga labi.
- 8Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila.
- 9Pawang malilinaw sa kaniya na nakakaunawa, at matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.
- 10Tanggapin mo ang aking turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kay sa dalisay na ginto.
- 11Sapagka't ang karunungan ay maigi kay sa mga rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya.
- 12Akong karunungan ay tumatahan sa kabaitan, at aking nasusumpungan ang kaalaman at gunita.
- 13Ang pagkatakot sa Panginoon ay ipagtanim ang kasamaan; Kapalaluan, at kahambugan at masamang lakad, at ang masamang bibig ay aking ipinagtatanim.
- 14Payo ay akin at magaling na kaalaman: ako'y kaunawaan; ako'y may kapangyarihan,
- 15Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, at nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo.
- 16Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, at ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga'y lahat ng mga hukom sa lupa.
- 17Aking iniibig sila na nagsisiibig sa akin; at yaong nagsisihanap na masikap sa akin ay masusumpungan ako.
- 18Mga kayamanan at karangalan ay nasa akin; Oo, lumalaging mga kayamanan at katuwiran.
- 19Ang bunga ko ay maigi kay sa ginto, oo, kay sa dalisay na ginto; at ang pakinabang sa akin kay sa piling pilak.
- 20Ako'y lumalakad sa daan ng katuwiran, sa gitna ng mga landas ng kahatulan:
- 21Upang aking papagmanahin ng pag-aari yaong nagsisiibig sa akin, at upang aking mapuno ang kanilang ingatang-yaman.
- 22Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.
- 23Ako'y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, bago nalikha ang lupa.
- 24Ako'y nailabas ng wala pang mga kalaliman; nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig.
- 25Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol ay ako'y nailabas:
- 26Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.
- 27Nang kaniyang itatag ang langit nandoon ako: nang siya'y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:
- 28Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:
- 29Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa:
- 30Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, na nagagalak na lagi sa harap niya;
- 31Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng mga tao.
- 32Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: sapagka't mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan.
- 33Mangakinig kayo ng turo, at kayo'y magpakapantas, at huwag ninyong tanggihan.
- 34Mapalad ang tao na nakikinig sa akin, na nagbabantay araw-araw sa aking mga pintuang-bayan, na naghihintay sa mga haligi ng aking mga pintuan.
- 35Sapagka't sinomang nakakasumpong sa akin, ay nakakasumpong ng buhay. At magtatamo ng lingap ng Panginoon.
- 36Nguni't siyang nagkakasala laban sa akin ay nagliligaw ng kaniyang sariling kaluluwa; silang lahat na nangagtatanim sa akin ay nagsisiibig ng kamatayan.