Mga Kawikaan 6
- 1Anak ko, kung ikaw ay naging mananagot sa iyong kapuwa, kung iyong ikinamay ang iyong kamay sa di kilala,
- 2Ikaw ay nasilo ng mga salita ng iyong bibig, ikaw ay nahuli ng mga salita ng iyong bibig.
- 3Gawin mo ito ngayon, anak ko, at lumigtas ka, yamang ikaw ay nahulog sa kamay ng iyong kapuwa: yumaon ka, magpakababa ka, at mangayupapa ka sa iyong kapuwa.
- 4Huwag mong bigyan ng tulog ang iyong mga mata. O magpaidlip man sa iyong mga talukap-mata.
- 5Lumigtas ka na parang usa sa kamay ng mangangaso, at parang ibon sa kamay ng mamimitag.
- 6Pumaroon ka sa langgam, ikaw na tamad; masdan mo ang kaniyang mga lakad at magpakapantas ka:
- 7Na bagaman walang pangulo, tagapamahala, o pinuno,
- 8Naghahanda ng kaniyang pagkain sa taginit, at pinipisan ang kaniyang pagkain sa pagaani.
- 9Hanggang kailan matutulog ka, Oh tamad? Kailan ka babangon sa iyong pagkakatulog?
- 10Kaunti pang pagkakatulog, kaunti pang pagkaidlip, kaunti pang paghahalukipkip ng mga kamay upang matulog:
- 11Sa gayo'y ang iyong karalitaan ay darating na parang magnanakaw, at ang iyong kasalatan na parang lalaking may sandata.
- 12Taong walang kabuluhan, taong masama, ay siya na lumalakad na may masamang bibig;
- 13Na kumikindat ng kaniyang mga mata, na nagsasalita ng kaniyang mga paa, na nagsasalita ng kaniyang mga daliri;
- 14Pagdaraya ay nasa kaniyang puso, siya'y laging kumakatha ng kasamaan; siya'y naghahasik ng pagtatalo.
- 15Kaya't darating na bigla ang kaniyang kasakunaan; sa kabiglaanan ay mababasag siya, at walang kagamutan.
- 16May anim na bagay na ipinagtatanim ng Panginoon; Oo, pito na mga kasuklamsuklam sa kaniya:
- 17Mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng walang salang dugo;
- 18Puso na kumakatha ng mga masamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan;
- 19Sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.
- 20Anak ko, ingatan mo ang utos ng iyong ama, at huwag mong kalimutan ang kautusan ng iyong ina:
- 21Ikintal mong lagi sa iyong puso, itali mo sa iyong leeg.
- 22Pagka ikaw ay lumalakad, papatnubay sa iyo; pagka ikaw ay natutulog, babantay sa iyo; at pagka ikaw ay gumigising, makikipagusap sa iyo.
- 23Sapagka't ang utos ay tanglaw; at ang kautusan ay liwanag; at ang mga saway na turo ay daan ng buhay:
- 24Upang ingatan ka sa masamang babae, Sa tabil ng dila ng di kilala.
- 25Huwag mong pitahin ang kaniyang kagandahan sa iyong puso; at huwag ka mang hulihin niya ng kaniyang mga talukap-mata.
- 26Sapagka't dahil sa isang masamang babae ay walang naiiwan sa lalake kundi isang putol na tinapay: at hinuhuli ng mangangalunya ang mahalagang buhay.
- 27Makakukuha ba ng apoy ang tao sa kaniyang sinapupunan, at hindi masusunog ang kaniyang mga suot?
- 28O makalalakad ba ang sinoman sa mga mainit na baga, at ang kaniyang mga paa ay hindi mapapaso?
- 29Gayon ang sumisiping sa asawa ng kaniyang kapuwa; sinomang humipo ay hindi maaaring di parusahan.
- 30Hindi hinahamak ng mga tao ang magnanakaw kung siya'y nagnanakaw, upang busugin siya pagka siya'y gutom:
- 31Nguni't kung siya'y masumpungan, isasauli niyang makapito; kaniyang ibibigay ang lahat na laman ng kaniyang bahay.
- 32Siyang nagkakamit ng pangangalunya sa isang babae ay walang bait: ang gumagawa niyaon ay nagpapahamak sa kaniyang sariling kaluluwa.
- 33Mga sugat at kasiraang puri ang tatamuhin niya; at ang kaniyang kapintasan ay hindi mapapawi.
- 34Sapagka't ang paninibugho ay pagiinit ng tao; at hindi siya magpapatawad sa kaarawan ng panghihiganti.
- 35Hindi niya pakukundanganan ang anomang tubos; ni magpapahinga man siyang tuwa, bagaman ikaw ay magbigay ng maraming suhol.