Mga Kawikaan 15
- 1Ang malubay na sagot ay nakapapawi ng poot: nguni't ang mabigat na salita ay humihila ng galit.
- 2Ang dila ng pantas ay nagbabadya ng tuos ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay nagbubugso ng kamangmangan.
- 3Ang mga mata ng Panginoon ay nasa bawa't dako, na nagbabantay sa masama at sa mabuti.
- 4Ang dilang magaling ay punong kahoy ng buhay: nguni't ang kalikuan niyaon ay kasiraan ng diwa.
- 5Hinahamak ng mangmang ang saway ng kaniyang ama: nguni't siyang nagpapakundangan ng saway ay gumagawang may kabaitan.
- 6Sa bahay ng matuwid ay maraming kayamanan: nguni't sa mga pakinabang ng masama ay kabagabagan.
- 7Ang mga labi ng pantas ay nagsasabog ng kaalaman: nguni't ang puso ng mangmang ay hindi gayon.
- 8Ang hain ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang dalangin ng matuwid ay kaniyang kaluguran.
- 9Ang lakad ng masama ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't iniibig niya ang sumusunod sa katuwiran.
- 10May mabigat na saway sa kaniya, na nagpapabaya ng lakad: at siyang nagtatanim sa saway ay mamamatay.
- 11Sheol at kapahamakan ay nasa harap ng Panginoon: gaanong higit pa nga ang mga puso ng mga anak ng mga tao!
- 12Ayaw ang manglilibak na siya'y sawayin. Siya'y hindi paroroon sa pantas.
- 13Ang masayang puso ay nagpapasaya ng mukha: nguni't sa kapanglawan ng puso ay nababagbag ang diwa.
- 14Ang puso niyaong naguunawa ay humahanap ng kaalaman: nguni't ang bibig ng mga mangmang ay kumakain ng kamangmangan.
- 15Lahat ng mga araw sa nagdadalamhati ay masama: nguni't siyang may masayang puso ay may laging kapistahan.
- 16Maigi ang kaunti na may pagkatakot sa Panginoon, kay sa malaking kayamanan na may kabagabagan.
- 17Maigi ang pagkaing gulay na may pagibig, kay sa matabang baka at may pagtataniman.
- 18Ang mainiting tao ay humihila ng pagtatalo: nguni't siyang makupad sa galit ay pumapayapa ng kaalitan.
- 19Ang daan ng tamad ay gaya ng bakuran na mga dawag: nguni't ang landas ng matuwid ay ginagawang maluwang na lansangan.
- 20Ang pantas na anak ay nagpapasaya ng ama: nguni't hinahamak ng mangmang ang kaniyang ina.
- 21Ang kamangmangan ay kagalakan sa walang bait: nguni't pinatutuwid ng maalam ang kaniyang lakad.
- 22Kung saan walang payo ay nagugulo ang mga panukala: nguni't sa karamihan ng mga tagapayo ay nangatatatag.
- 23Ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig: at ang salita sa ukol na panahon, ay anong pagkabuti!
- 24Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay, upang kaniyang mahiwalayan ang Sheol sa ibaba.
- 25Bubunutin ng Panginoon ang bahay ng palalo: nguni't kaniyang itatatag ang hangganan ng babaing bao.
- 26Ang mga masamang katha ay kasuklamsuklam sa Panginoon: nguni't ang mga maligayang salita ay dalisay.
- 27Siyang sakim sa pakinabang ay bumabagabag ng kaniyang sariling sangbahayan: nguni't siyang nagtatanim sa mga suhol ay mabubuhay.
- 28Ang puso ng matuwid ay nagbubulay ng isasagot: nguni't ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay.
- 29Ang Panginoon ay malayo sa masama: nguni't kaniyang dinidinig ang dalangin ng matuwid.
- 30Ang liwanag ng mga mata ay nagpapagalak ng puso: at ang mabubuting balita ay nagpapataba ng mga buto.
- 31Ang taingang nakikinig sa saway ng buhay, ay tatahan sa gitna ng pantas.
- 32Siyang tumatanggi sa saway ay humahamak sa kaniyang sariling kaluluwa: nguni't siyang nakikinig sa saway ay nagtatamo ng kaawaan.
- 33Ang pagkatakot sa Panginoon ay turo ng karunungan; at sa unahan ng karangalan ay nagpapauna ang pagpapakumbaba.