Juan 7
- 1At pagkatapos ng mga bagay na ito ay naglakad si Jesus sa Galilea: sapagka't ayaw siyang maglakad sa Judea, dahil sa pinagsisikapan ng mga Judio na siya'y patayin.
- 2Malapit na nga ang pista ng mga Judio, ang pista ng mga tabernakulo.
- 3Sinabi nga sa kaniya ng kaniyang mga kapatid, Umalis ka rito, at pumaroon ka sa Judea, upang makita naman ng iyong mga alagad ang mga gawang iyong ginagawa.
- 4Sapagka't walang taong gumagawa ng anomang bagay sa lihim, at nagsisikap ihayag ang kaniyang sarili. Kung ginagawa mo ang mga bagay na ito ay pakilala ka sa sanglibutan.
- 5Sapagka't kahit ang kaniyang mga kapatid man ay hindi nagsisisampalataya sa kaniya.
- 6Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Hindi pa dumarating ang aking panahon; datapuwa't ang inyong panahon ay laging nahahanda.
- 7Hindi mangyayaring kayo'y kapootan ng sanglibutan; nguni't ako'y kinapopootan, sapagka't siya'y aking pinatototohanang masasama ang kaniyang mga gawa.
- 8Mangagsiahon kayo sa pista: ako'y hindi aahon sa pistang ito; sapagka't hindi pa nagaganap ang aking panahon.
- 9At nang masabi sa kanila ang mga bagay na ito, ay nanahan pa siya sa Galilea.
- 10Datapuwa't nang mangakaahon na ang kaniyang mga kapatid sa pista, saka naman siya umahon, hindi sa hayag, kundi waring sa lihim.
- 11Hinahanap nga siya ng mga Judio sa pista, at kanilang sinasabi, Saan naroon siya?
- 12At nagkaroon ng maraming bulongbulungan tungkol sa kaniya ang karamihan: sinasabi ng ilan, Siya'y taong mabuti; sinasabi ng mga iba, Hindi gayon, kundi inililigaw niya ang karamihan.
- 13Gayon man ay walang taong nagsasalita ng hayag tungkol sa kaniya dahil sa takot sa mga Judio.
- 14Datapuwa't nang ang kapistahan nga'y nasa kalagitnaan na ay umahon si Jesus sa templo, at nagturo.
- 15Nagsipanggilalas nga ang mga Judio, na nangagsasabi, Paanong nakaaalam ang taong ito ng mga karunungan, gayong hindi naman nagaral kailan man?
- 16Sinagot nga sila ni Jesus, at sinabi, Ang turo ko ay hindi akin, kundi doon sa nagsugo sa akin.
- 17Kung ang sinomang tao ay nagiibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito'y sa Dios, o kung ako'y nagsasalita na mula sa aking sarili.
- 18Ang nagsasalita ng sa ganang kaniyang sarili'y humahanap ng kaniyang sariling kaluwalhatian: datapuwa't ang humahanap ng kaluwalhatian niyaong sa kaniya'y nagsugo, ang gayon ay totoo, at sa kaniya'y walang kalikuan.
- 19Hindi baga ibinigay sa inyo ni Moises ang kautusan, at gayon ma'y wala sa inyong gumaganap ng kautusan? Bakit ninyo pinagsisikapang ako'y patayin?
- 20Sumagot ang karamihan, Mayroon kang demonio: sino ang nagsisikap na ikaw ay patayin?
- 21Sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Isang gawa ang aking ginawa, at kayong lahat ay nagsipanggilalas dahil doon.
- 22Ibinigay sa inyo ni Moises ang pagtutuli (hindi sa ito'y kay Moises, kundi sa mga magulang); at tinutuli ninyo sa sabbath ang isang lalake.
- 23Kung tinatanggap ng lalake ang pagtutuli sa sabbath, upang huwag labagin ang kautusan ni Moises; nangagagalit baga kayo sa akin, dahil sa pinagaling kong lubos ang isang tao sa sabbath?
- 24Huwag kayong magsihatol ayon sa anyo, kundi magsihatol kayo ng matuwid na paghatol.
- 25Sinabi nga ng ilang taga Jerusalem, Hindi baga ito ang kanilang pinagsisikapang patayin?
- 26At narito, siya'y hayag na nagsasalita, at walang anomang sinasabi sila sa kaniya. Napagkikilala kayang tunay ng mga pinuno na ito ang Cristo?
- 27Gayon man ay nakikilala namin ang taong ito kung taga saan siya: datapuwa't pagparito ng Cristo, sinoma'y walang makakaalam kung taga saan siya.
- 28Sumigaw nga si Jesus sa templo, na nagtuturo at sinasabi, Ako'y inyong nakikilala at nalalaman din naman ninyo kung taga saan ako; at hindi ako naparito sa aking sarili, datapuwa't ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala.
- 29Siya'y nakikilala ko; sapagka't ako'y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin.
- 30Pinagsisikapan nga nilang siya'y hulihin: at walang taong sumunggab sa kaniya, sapagka't hindi pa dumarating ang kaniyang oras.
- 31Datapuwa't sa karamihan ay marami ang nagsisampalataya sa kaniya; at kanilang sinasabi, Pagparito ng Cristo, ay gagawa pa baga siya ng lalong maraming tanda kay sa mga ginawa ng taong ito?
- 32Nangarinig ng mga Fariseo ang bulongbulungan ng karamihan tungkol sa kaniya; at nangagsugo ang mga pangulong saserdote at ang mga Fariseo ng mga punong kawal upang siya'y hulihin.
- 33Sinabi nga ni Jesus, Makikisama pa ako sa inyong sangdaling panahon, at ako'y paroroon sa nagsugo sa akin.
- 34Hahanapin ninyo ako, at hindi ako masusumpungan: at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon.
- 35Ang mga Judio nga'y nangagsangusapan, Saan paroroon ang taong ito na hindi natin siya masusumpungan? siya kaya'y paroroon sa nagsisipangalat sa gitna ng mga Griego, at magtuturo sa mga Griego?
- 36Ano ang salitang ito na kaniyang sinabi, Hahanapin ninyo ako, at hindi ninyo ako masusumpungan; at kung saan ako naroroon, ay hindi kayo makaparoroon?
- 37Nang huling araw nga, na dakilang araw ng kapistahan, si Jesus ay tumayo at sumigaw, na nagsasabi, Kung ang sinomang tao'y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom.
- 38Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinasabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay.
- 39(Nguni't ito'y sinalita niya tungkol sa Espiritu, na tatanggapin ng mga magsisisampalataya sa kaniya: sapagka't hindi pa ipinagkakaloob ang Espiritu; sapagka't si Jesus ay hindi pa niluluwalhati.)
- 40Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.
- 41Sinasabi ng mga iba, Ito nga ang Cristo. Datapuwa't sinasabi ng ilan, Ano, sa Galilea baga manggagaling ang Cristo?
- 42Hindi baga sinabi ng kasulatan na ang Cristo ay manggagaling sa lahi ni David, at mula sa Bet-lehem, ang nayong kinaroonan ni David?
- 43Kaya nangyaring nagkaroon ng pagkakabahabahagi sa karamihan dahil sa kaniya.
- 44At ibig ng ilan sa kanila na siya'y hulihin; datapuwa't walang taong sumunggab sa kaniya.
- 45Nagsidating nga ang mga punong kawal sa mga pangulong saserdote at sa mga Fariseo; at sinabi nila sa kanila, Bakit hindi ninyo siya dinala?
- 46Nagsisagot ang mga punong kawal, Kailan ma'y walang taong nagsalita ng gayon.
- 47Sinagot nga sila ng mga Fariseo, Kayo baga naman ay nangailigaw rin?
- 48Sumampalataya baga sa kaniya ang sinoman sa mga pinuno, o ang sinoman sa mga Fariseo?
- 49Datapuwa't ang karamihang ito na hindi nakaaalam ng kautusan ay sinumpa.
- 50Sinabi sa kanila ni Nicodemo (yaong pumaroon kay Jesus nang una, na isa sa kanila),
- 51Hinahatulan baga ng ating kautusan ang isang tao, malibang siya muna'y dinggin at talastasin kung ano ang kaniyang ginagawa?
- 52Sila'y nagsisagot at sinabi sa kaniya, Ikaw baga'y taga Galilea rin? Siyasatin mo, at tingnan mo na sa Galilea ay walang lumitaw na propeta.
- 53Ang bawa't tao'y umuwi sa kanikaniyang sariling bahay: