Job 8
- 1Nang magkagayo'y sumagot si Bildad na Suhita, at nagsabi,
- 2Hanggang kailan magsasalita ka ng mga bagay na ito? At hanggang kailan magiging gaya ng makapangyarihang hangin ang mga salita ng iyong bibig?
- 3Nagliliko ba ng kahatulan ang Dios? O nagliliko ba ang Makapangyarihan sa lahat ng kaganapan?
- 4Kung ang iyong mga anak ay nangagkasala laban sa kaniya, at kaniyang ibinigay sila sa kamay ng kanilang pagkasalangsang:
- 5Kung hanapin mong mainam ang Dios, at iyong pamanhikan ang Makapangyarihan sa lahat;
- 6Kung ikaw ay malinis at matuwid; walang pagsalang ngayo'y gigising siya dahil sa iyo. At pasasaganain ang tahanan ng iyong katuwiran.
- 7At bagaman ang iyong pasimula ay maliit, gayon ma'y ang iyong huling wakas ay lalaking mainam.
- 8Sapagka't ikaw ay magsisiyasat, isinasamo ko sa iyo, sa unang panahon, at pasiyahan mo ang sinaliksik ng kanilang mga magulang:
- 9(Sapagka't tayo'y kahapon lamang, at walang nalalaman, sapagka't ang ating mga kaarawan sa lupa ay anino:)
- 10Hindi ka ba nila tuturuan, at sasaysayin sa iyo, at mangagsasalita ng mga salita mula sa kanilang puso?
- 11Makatataas ba ang yantok ng walang putik? Tutubo ba ang tambo ng walang tubig?
- 12Samantalang nasa kasariwaan, at hindi pinuputol, natutuyong una kay sa alin mang damo.
- 13Gayon ang mga landas ng lahat na nagsisilimot sa Dios; at ang pagasa ng di banal ay mawawala:
- 14Na ang kaniyang pagtitiwala ay mapaparam, at ang kaniyang tiwala ay isang bahay gagamba.
- 15Siya'y sasandal sa kaniyang bahay, nguni't hindi tatayo; siya'y pipigil na mahigpit dito, nguni't hindi makapagmamatigas.
- 16Siya'y sariwa sa harap ng araw, at ang kaniyang mga suwi ay sumisibol sa kaniyang halamanan.
- 17Ang kaniyang mga ugat ay nagkakapitan sa palibot ng bunton, kaniyang minamasdan ang dako ng mga bato.
- 18Kung siya'y magiba sa kaniyang dako, kung magkagayo'y itatakuwil niya siya, na sinasabi: Hindi kita nakita.
- 19Narito, ito ang kagalakan ng kaniyang lakad, at mula sa lupa ay sisibol ang mga iba.
- 20Narito, hindi itatakuwil ng Dios ang sakdal na tao, ni aalalayan man niya ang mga manggagawa ng kasamaan.
- 21Kaniya namang pupunuin ang iyong bibig ng pagtawa, at ang iyong mga labi ng paghiyaw.
- 22Silang nangapopoot sa iyo ay mabibihisan ng pagkahiya; at ang tolda ng masama ay mawawala.