Job 39
- 1Nalalaman mo ba ang panahong ipinanganganak ng mga kambing bundok? O matatandaan mo ba ang mga pagdaramdam ng mga usa?
- 2Mabibilang mo ba ang mga buwan ng kanilang kagampanan? O nalalaman mo ba ang panahong kanilang ipinanganak?
- 3Sila'y nagsisiyuko, kanilang inilalabas ang kanilang mga anak, kaniyang iniwawaksi ang kanilang kapanglawan.
- 4Ang kanilang mga anak ay nagiging malakas, sila'y nagsisilaki sa kaparangan; sila'y nagsisiyao at hindi na nagsisibalik.
- 5Sinong nagpakawala sa mabangis na asno? O sinong nagkalag ng mga tali ng mailap na asno?
- 6Na ginawa kong bahay niya ang ilang, at ang lupaing maasin na kaniyang tahanan.
- 7Kaniyang nililibak ang kaguluhan ng bayan. Ni hindi niya dinidinig ang sigaw ng nagpapatakbo ng hayop.
- 8Ang libot ng mga bundok ay kaniyang pastulan, at kaniyang sinasaliksik ang bawa't sariwang bagay.
- 9Matutuwa ba ang bakang gubat na maglingkod sa iyo? O matitira ba sa siping ng iyong pasabsaban?
- 10Matatalian mo ba ang bakang gubat ng iyong panali sa pangbukid? O magbubusagsag ba ng mga libis sa likuran mo?
- 11Aasa ka ba sa kaniya, dahil sa siya'y totoong malakas? O iiwan mo ba ang iyong gawain sa kaniya?
- 12Ipagkakatiwala mo ba sa kaniya na iuuwi sa bahay ang iyong binhi, at pipisanin ang mga butil sa iyong giikan?
- 13Ang pakpak ng avestruz ay nagagalak; nguni't may kagandahang loob ba ang kanilang mga pakpak at mga balahibo?
- 14Sapagka't nagiiwan ng kaniyang mga itlog sa lupa, at pinaiinit ang mga yaon sa alabok,
- 15At kinalilimutang mangapipisa ng paa, o mangayuyurakan ng mabangis na hayop.
- 16Siya'y nagmamatigas laban sa kaniyang mga sisiw na tila hindi kaniya: bagaman ang kaniyang gawa ay mawalang kabuluhan, hindi niya ikinatatakot;
- 17Sapagka't binawian siya ng Dios ng karunungan, ni hindi siya binahaginan ng unawa.
- 18Anomang panahon na siya'y napaiitaas, hinahamak niya ang kabayo at ang sakay nito.
- 19Nagbigay ka ba sa kabayo ng kalakasan? Binihisan mo ba ang kaniyang leeg ng buhok na gumagalaw?
- 20Pinalulukso mo ba siya na parang balang? Ang kaluwalhatian ng kaniyang bahin ay kakilakilabot.
- 21Siya'y kumukutkot sa libis, at nagagalak sa kaniyang kalakasan, siya'y sumasagupa sa mga taong may sandata.
- 22Tinutuya niya ang takot at hindi nanglulupaypay: ni hindi tinatalikuran ang tabak.
- 23Ang suksukan ng pana ay tumutunog laban sa kaniya, ang makintab na sibat at ang kalasag.
- 24Kaniyang sinasakmal ang lupa na may kabangisan at poot; ni hindi siya naniniwala na yao'y tunog ng pakakak.
- 25Kaniyang sinasabi sa tuwing tutunog ang mga pakakak: Aha! At kaniyang naaamoy ang pagbabaka sa malayo, ang sigaw ng mga kapitan at ang hiyaw.
- 26Lumilipad ba ang uwak sa pamamagitan ng inyong karunungan, at iniuunat ba ang kaniyang mga pakpak sa dakong timugan?
- 27Napaiilanglang ba ang agila sa iyong utos, at gumagawa ba ng kaniyang pugad sa itaas?
- 28Sila'y nananahan sa malaking bato, at doon tumitira, sa taluktok ng burol at sa katibayan,
- 29Mula roo'y tumitingin siya ng madadagit; ang kaniyang mga mata ay tumatanaw sa malayo.
- 30Ang mga anak naman niya ay nagsisihitit ng dugo: at kung saan naroon ang pinatay ay naroon siya.