Job 30
- 1Nguni't ngayo'y silang bata kay sa akin ay nagsisitawa sa akin, na ang mga magulang ay di ko ibig na malagay na kasama ng mga aso ng aking kawan.
- 2Oo, ang kalakasan ng kanilang kamay, sa ano ko mapapakinabangan? Mga taong ang kalusugan ng gulang ay lumipas na.
- 3Sila'y lata sa pangangailangan at sa kagutom; kanilang nginangata ang tuyong lupa, sa kadiliman ng kasalatan at kapahamakan.
- 4Sila'y nagsisibunot ng mga malvas sa tabi ng mabababang punong kahoy; at ang mga ugat ng enebro ay siyang kanilang pinakapagkain.
- 5Sila'y pinalayas mula sa gitna ng mga tao; sila'y sumisigaw sa likuran nila, na gaya ng sa likuran ng isang magnanakaw.
- 6Upang sila'y magsitahan sa nakatatakot na mga libis, sa mga puwang ng lupa, at ng mga bato.
- 7Sa gitna ng mabababang punong kahoy ay nagsisiangal; sa ilalim ng mga tinikan ay nangapipisan.
- 8Mga anak ng mga mangmang, oo, mga anak ng mga walang puring tao; sila'y mga itinapon mula sa lupain.
- 9At ngayon ay naging kantahin nila ako, Oo, ako'y kasabihan sa kanila.
- 10Kanilang kinayayamutan ako, nilalayuan nila ako, at hindi sila nagpipigil ng paglura sa aking mukha.
- 11Sapagka't kinalag niya ang kaniyang panali, at pinighati ako, at kanilang inalis ang paningkaw sa harap ko.
- 12Sa aking kanan ay tumatayo ang tanga; itinutulak nila ang aking mga paa, at kanilang pinapatag laban sa akin ang kanilang mga paraan ng paghamak.
- 13Kanilang sinisira ang aking landas, kanilang isinusulong ang aking kapahamakan, mga taong walang tumulong.
- 14Tila dumarating sila sa isang maluwang na pasukan: sa gitna ng kasiraan ay nagsisigulong sila.
- 15Mga kakilabutan ay dumadagan sa akin, kanilang tinatangay ang aking karangalan na gaya ng hangin; at ang aking kaginhawahan ay napaparam na parang alapaap.
- 16At ngayo'y nanglulupaypay ang aking kaluluwa sa loob ko; mga kaarawan ng pagkapighati ay humawak sa akin.
- 17Sa gabi ay nagaantakan ang aking mga buto, at ang mga antak na nagpapahirap sa akin ay hindi nagpapahinga.
- 18Sa matinding karahasan ng aking sakit ay nagiging katuwa ang aking suot: tumatali sa akin sa palibot na gaya ng leeg ng aking baro.
- 19Inihahagis niya ako sa banlik, at ako'y naging parang alabok at mga abo.
- 20Ako'y dumadaing sa iyo, at hindi mo ako sinasagot: ako'y tumatayo, at minamasdan mo ako.
- 21Ikaw ay naging mabagsik sa akin: sa pamamagitan ng kapangyarihan ng iyong kamay ay hinahabol mo ako.
- 22Itinataas mo ako sa hangin, pinasasakay mo ako roon; at tinutunaw mo ako sa bagyo.
- 23Sapagka't talastas ko na iyong dadalhin ako sa kamatayan, at sa bahay na takda sa lahat na may buhay.
- 24Gayon man ang isa ay di ba naguunat ng kamay sa kaniyang pagkahulog? O sa kaniyang kasakunaan kung kaya sisigaw ng tulong?
- 25Hindi ko ba iniyakan yaong nasa kabagabagan? Hindi ba ang aking kaluluwa ay nakikidamay sa mapagkailangan?
- 26Pagka ako'y humahanap ng mabuti, ang kasamaan nga ang dumarating: at pagka ako'y naghihintay ng liwanag ay kadiliman ang dumarating.
- 27Ang aking puso'y nababagabag at walang pahinga; mga araw ng kapighatian ay dumating sa akin.
- 28Ako'y yumayaong tumatangis na walang araw; ako'y tumatayo sa kapulungan at humihinging tulong.
- 29Ako'y kapatid ng mga chakal, at mga kasama ng mga avestruz.
- 30Ang aking balat ay maitim, at natutuklap, at ang aking mga buto ay nagpapaltos.
- 31Kaya't ang aking alpa ay naging panangis, at ang aking flauta ay naging tinig ng umiiyak.