Job 13
- 1Narito, nakita ang lahat na ito ng aking mata, ang aking tainga ay nakarinig at nakaunawa.
- 2Kung ano ang iyong nalalaman, ay nalalaman ko rin naman: hindi ako huli sa inyo.
- 3Walang pagsalang ako'y magsasalita sa Makapangyarihan sa lahat, at nagnanasa akong makipagmatuwiranan sa Dios.
- 4Nguni't kayo'y mapagkatha ng mga kabulaanan. Kayong lahat ay mga manggagamot na walang kabuluhan.
- 5Mano nawa ay magsitahimik kayong lahat! At magiging inyong karunungan.
- 6Dinggin ninyo ngayon ang aking pangangatuwiran, at inyong dinggin ang mga pagsasanggalang ng aking mga labi.
- 7Kayo ba'y mangagsasalita ng kalikuan dahil sa Dios, at mangungusap ng karayaan dahil sa kaniya?
- 8Inyo bang lilingapin ang kaniyang pagka Dios? Inyo bang ipakikipagtalo ang Dios?
- 9Mabuti ba na kayo'y siyasatin niya? O kung paanong dinadaya ang isang tao ay inyo bang dadayain siya?
- 10Walang pagsalang sasawayin niya kayo, kung lihim na kayo'y tatangi ng pagkatao.
- 11Hindi ba kayo tatakutin ng kaniyang karilagan, at ang gulat sa kaniya ay sasa inyo?
- 12Ang inyong mga alaalang sabi ay kawikaang abo, ang inyong mga pagsasanggalang ay mga pagsasanggalang na putik.
- 13Magsitahimik kayo, bayaan ninyo ako, na ako'y makapagsalita, at paratingin sa akin ang darating.
- 14Bakit kakagatin ng aking mga ngipin ang aking laman, at aking ilalagay ang aking buhay sa aking kamay?
- 15Bagaman ako'y patayin niya, akin ding hihintayin siya: gayon ma'y aking aalalayan ang aking mga lakad sa harap niya.
- 16Ito man ay magiging aking kaligtasan; sapagka't ang isang di banal ay hindi makahaharap sa kaniya.
- 17Pakinggan ninyong masikap ang aking pananalita, at ang aking pahayag ay sumainyong mga pakinig.
- 18Narito, ngayon, aking inayos ang aking usap; talastas ko na ako'y matuwid.
- 19Sino ang makikipagtalo sa akin? Sapagka't ngayo'y tatahimik ako at malalagot ang aking hininga.
- 20Dalawang bagay lamang ang huwag mong gawin sa akin, kung magkagayo'y hindi ako magkukubli sa iyong mukha:
- 21Iurong mo ng malayo ang iyong kamay sa akin; at huwag akong takutin ng pangingilabot sa iyo.
- 22Kung magkagayo'y tumawag ka, at ako'y sasagot; o papagsalitain mo ako, at sumagot ka sa akin.
- 23Ilan ang aking mga kasamaan at mga kasalanan? Ipakilala mo sa akin ang aking pagsalangsang at ang aking kasalanan.
- 24Bakit ikinukubli mo ang iyong mukha, at inaari mo akong iyong kaaway?
- 25Iyo bang pangingilabutin ang isang dahong pinapaspas ng hangin? At iyo bang hahabulin ang dayaming tuyo?
- 26Sapagka't ikaw ay sumusulat ng mga mabigat na bagay laban sa akin, at ipinamamana mo sa akin ang mga kasamaan ng aking kabataan:
- 27Iyo ring inilalagay ang aking mga paa sa pangawan, at pinupuna mo ang lahat kong landas: ikaw ay gumuguhit ng isang guhit sa palibot ng mga talampakan ng aking mga paa:
- 28Bagaman ako'y parang bagay na bulok na natutunaw, na parang damit na kinain ng tanga.