Isaias 46
- 1Si Bel ay nagpapatirapa, sa Nebo ay yumuyukod; ang kanilang mga diosdiosan ay pasan sa ibabaw ng mga hayop, at sa ibabaw ng mga baka: ang mga bagay na inyong daladalang inilibot ay mabigat na pasan sa pagod na hayop.
- 2Sila'y yumuyukod, sila'y nangagpapatirapang magkakasama; hindi nila maiwasan ang pasan, kundi sila ma'y napapasok sa pagkabihag.
- 3Inyong dinggin ako, Oh sangbahayan ni Jacob, at lahat na nalabi sa sangbahayan ni Israel, na kinalong ko mula sa tiyan, na dala mula sa bahay-bata:
- 4At hanggang sa katandaan ay ako nga, at hanggang sa magka uban ay dadalhin kita; aking ginawa, at aking dadalhin; oo, aking dadalhin, at aking ililigtas.
- 5Kanino ninyo ako itutulad, at ipaparis, at iwawangis ako, upang kami ay magkagaya?
- 6Sila'y dumudukot ng maraming ginto sa supot, at tumitimbang ng pilak sa timbangan, sila'y nagsisiupa ng panday-ginto, at kaniyang ginagawang dios; sila'y nangagpapatirapa, oo, sila'y nagsisisamba.
- 7Pinapasan nila siya sa balikat, dinadala nila siya, at inilalagay siya sa kaniyang dako, at siya'y nakatayo; mula sa kaniyang dako ay hindi siya makikilos: oo, may dadaing sa kaniya, gayon ma'y hindi siya makasasagot, o makapagliligtas man sa kaniya sa kaniyang kabagabagan.
- 8Inyong alalahanin ito, at mangagpakalalake kayo: isaisip ninyo uli, Oh ninyong mga mananalangsang.
- 9Inyong alalahanin ang mga dating bagay ng una: sapagka't ako'y Dios, at walang iba liban sa akin; ako'y Dios, at walang gaya ko;
- 10Na nagpapahayag ng wakas mula sa pasimula, at mula nang mga unang panahon, ng mga bagay na hindi pa nangyayari; na nagsasabi, Ang payo ko ay mananayo, at gagawin ko ang aking buong kaligayahan:
- 11Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyayarihin; aking, pinanukala, akin namang gagawin.
- 12Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:
- 13Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.