Genesis 42
- 1Nabalitaan nga ni Jacob na may trigo sa Egipto, at sinabi ni Jacob sa kaniyang mga anak, Bakit kayo nangagtitinginan?
- 2At kaniyang sinabi, Narito, aking narinig na may trigo sa Egipto: bumaba kayo roon, at bumili kayo roon ng sa ganang atin, upang tayo'y mabuhay at huwag mamatay.
- 3At ang sangpung kapatid ni Jose ay bumaba, na bumili ng trigo sa Egipto.
- 4Datapuwa't si Benjamin na kapatid ni Jose, ay hindi sinugo ni Jacob na kasama ng kaniyang mga kapatid; sapagka't aniya'y, Baka sakaling may mangyari sa kaniyang anomang kapahamakan.
- 5At ang mga anak ni Israel ay nagsiparoong bumili, na kasalamuha ng nagsisiparoon: sapagka't nagkakagutom sa lupain ng Canaan.
- 6At si Jose ang tagapamahala sa lupain; siya ang nagbibili ng trigo sa lahat ng mga tao sa lupain: at nagsidating ang mga kapatid ni Jose at nangagpatirapa sa kaniya, na ang kanilang mga mukha ay pasubasob.
- 7At nakita ni Jose ang kaniyang mga kapatid, at kaniyang nangakilala, datapuwa't siya'y nagkunwaring iba sa kanila, at sila'y kinausap niya ng magilas; at sinabi sa kanila, Saan kayo nagsipanggaling? At sinabi nila, Sa lupain ng Canaan, upang bumili ng pagkain.
- 8At nakilala ni Jose ang kaniyang mga kapatid, datapuwa't hindi nila siya nakilala.
- 9At naalaala ni Jose ang mga panaginip na kaniyang napanaginip, tungkol sa kanila, at sa kanila'y sinabi, Kayo'y mga tiktik; upang tingnan ninyo ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.
- 10At kanilang sinabi sa kaniya, Hindi panginoon ko, kundi ang iyong mga lingkod ay nagsiparito upang bumili ng pagkain.
- 11Kaming lahat ay anak ng isa lamang lalake; kami ay mga taong tapat, ang iyong mga lingkod ay hindi mga tiktik.
- 12At kaniyang sinabi sa kanila, Hindi, kungdi upang tingnan ang kahubaran ng lupain kaya kayo naparito.
- 13At kanilang sinabi, Kaming iyong mga lingkod ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng isa lamang lalake sa lupain ng Canaan; at, narito, ang bunso ay nasa aming ama ngayon, at ang isa'y wala na.
- 14At sinabi sa kanila ni Jose, Iyan ang sinasalita ko sa inyo, na aking sinasabi, Kayo'y mga tiktik;
- 15Dito ko kayo susubukin: alangalang sa buhay ni Faraon ay hindi kayo aalis dito, malibang pumarito ang inyong kapatid na bunso.
- 16Suguin ninyo ang isa sa inyo, na dalhin dito ang inyong kapatid, at kayo'y mangabibilanggo; upang masubok ang inyong mga salita, kung may katotohanan sa inyo: o kung hindi alangalang sa buhay ni Faraon, ay tunay na mga tiktik kayo.
- 17At kaniyang inilagay silang lahat na magkakasama sa bilangguan na tatlong araw.
- 18At sinabi ni Jose sa kanila sa ikatlong araw, Gawin ninyo ito at mangabuhay kayo; sapagka't natatakot ako sa Dios:
- 19Kung kayo'y mga taong tapat, ay matira ang isa sa inyong magkakapatid na bilanggo sa bahay na pinagbilangguan sa inyo; datapuwa't kayo'y yumaon, magdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay:
- 20At dalhin ninyo sa akin ang inyong kapatid na bunso; sa ganito'y matototohanan ang inyong mga salita, at hindi kayo mangamamatay. At kanilang ginawang gayon.
- 21At sila'y nagsabisabihan, Katotohanang tayo'y salarin tungkol sa ating kapatid, sapagka't nakita natin ang kahapisan ng kaniyang kaluluwa, nang namamanhik sa atin, at hindi natin siya dininig; kaya't dumarating sa atin ang kahapisang ito.
- 22At si Ruben ay sumagot sa kanila, na nagsasabi, Di ba nagsalita ako sa inyo, na aking sinasabi, Huwag kayong magkasala laban sa bata; at ayaw kayong makinig? kaya naman, narito, ang kaniyang dugo ay nagsasakdal.
- 23At hindi nila nalalaman na sila'y pinakikinggan ni Jose; sapagka't may tagapagpaliwanag sa kanila.
- 24At siya'y humiwalay sa kanila, at umiyak; at siya'y bumalik sa kanila, at sila'y kinausap at kinuha sa kanila si Simeon, at siya'y tinalian sa harap ng kanilang mga mata.
- 25Nang magkagayo'y ipinagutos ni Jose na punuin ang kanilang mga bayong ng trigo, at ibalik ang salapi ng bawa't isa sa kanikaniyang bayong, at sila'y bigyan ng mababaon sa daan: at ginawa sa kanilang gayon.
- 26At kanilang pinasanan ng trigo ang kanilang mga asno, at sila'y yumaon mula roon.
- 27At pagbubukas ng isa ng kaniyang bayong upang bigyan ng pagkain ang kaniyang asno sa tuluyan, ay nakita niya ang kaniyang salapi; at, narito, nasa labi ng kaniyang bayong.
- 28At sinabi niya sa kaniyang mga kapatid, Ang salapi ko ay nasauli; at, narito, nasa aking bayong: at kumutob ang kanilang puso; at nangagtinginan na nanganginginig, na nagsasabihan, Ano itong ginawa ng Dios sa atin?
- 29At sila'y dumating kay Jacob na kanilang ama sa lupain ng Canaan, at isinaysay nila sa kaniya ang lahat na nangyari sa kanila; na sinasabi:
- 30Ang lalaking panginoon sa lupaing yaon ay kinausap kami na magilas, at inari kaming mga tiktik sa lupain.
- 31At aming sinabi sa kaniya, Kami ay mga taong tapat; hindi kami mga tiktik:
- 32Kami ay labing dalawang magkakapatid, na mga anak ng aming ama; ang isa'y wala na, at ang bunso ay nasa aming ama ngayon sa lupain ng Canaan.
- 33At sinabi sa amin ng lalaking yaon, ng panginoon sa lupain, Dito ko makikilala na kayo'y mga taong tapat: magiwan kayo sa akin ng isa sa inyong magkakapatid, at magsipagdala kayo ng trigo dahil sa kagutom sa inyong mga bahay, at kayo'y yumaon.
- 34At dalhin ninyo rito sa akin ang inyong kapatid na bunso: kung gayo'y makikilala ko, na kayo'y hindi mga tiktik, kundi kayo'y mga taong tapat: sa ganito'y isasauli ko sa inyo ang inyong kapatid at kayo'y mangangalakal sa lupain.
- 35At nangyari na pagaalis ng laman ng kanilang mga bayong, na, narito, sa bayong ng bawa't isa ay nakalagay ang balot ng kanikaniyang salapi: at nang makita nila at ng kanilang ama ang kanilang mga balot ng salapi, ay nangatakot.
- 36At sinabi sa kanila ng kanilang amang si Jacob, Inalis na ninyo sa akin ang aking mga anak: si Jose ay wala, at si Simeon ay wala, at aalisin pa ninyo si Benjamin: lahat ng bagay na ito ay laban sa akin.
- 37At nagsalita, si Ruben sa kaniyang ama, na sinasabi, Ipapatay mo ang aking dalawang anak kung siya'y hindi ko dalhin sa iyo; ibigay mo sa aking kamay, at siya'y aking ibabalik sa iyo.
- 38At kaniyang sinabi, Hindi yayaon ang aking anak na kasama ninyo; sapagka't ang kaniyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang natitira; kung mangyari sa kaniya ang anomang kapahamakan sa daan na inyong paroroonan, ay pabababain nga ninyo ang aking mga uban sa Sheol na may kapanglawan.