Mga Taga-Galacia 4
- 1Nguni't sinasabi ko na samantalang ang tagapagmana ay bata, ay walang pagkakaibang anoman sa alipin bagama't siya'y panginoon ng lahat;
- 2Datapuwa't nasa ilalim ng mga tagapagampon at ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng ama.
- 3Gayon din naman tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y nasasakop ng pagkaalipin sa ilalim ng mga pasimulang aral ng sanglibutan.
- 4Datapuwa't nang dumating ang kapanahunan, ay sinugo ng Dios ang kaniyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, na ipinanganak sa ilalim ng kautusan,
- 5Upang matubos niya ang nangasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkukupkop sa mga anak.
- 6At sapagka't kayo'y mga anak, ay sinugo ng Dios ang Espiritu ng kaniyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, Abba, Ama.
- 7Ano pa't hindi ka na alipin, kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana ka nga sa pamamagitan ng Dios.
- 8Gayon man nang panahong yaon, sa hindi ninyo pagkakilala sa Dios, kayo'y nasa pagkaalipin ng sa katutubo ay hindi mga dios:
- 9Datapuwa't ngayon yamang nakikilala na ninyo ang Dios, o ang lalong mabuting sabihin, kayo'y nangakikilala ng Dios, bakit muling nangagbabalik kayo doon sa mahihina at walang bisang mga pasimulang aral, na sa mga yao'y ninanasa ninyong magbalik sa pagkaalipin?
- 10Ipinangingilin ninyo ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.
- 11Ako'y natatakot tungkol sa inyo, baka sa anomang paraan ay nagpagal ako sa inyo ng walang kabuluhan.
- 12Ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, na kayo'y mangagsitulad sa akin, sapagka't ako'y katulad din ninyo. Wala kayong ginawa sa aking anomang kasamaan.
- 13Datapuwa't nalalaman ninyo na dahil sa sakit ng laman, ay ipinangaral ko sa inyo ang evangelio nang pasimula:
- 14At yaong sa inyo'y isang tukso sa aking laman ay hindi ninyo inalipusta, ni itinakuwil man; kundi ako'y tinanggap ninyong tulad sa isang anghel ng Dios, tulad kay Cristo Jesus.
- 15Saan nga naroon yaong inyong kapalaran? sapagka't pinatototohanan ko sa inyo, na, kung mangyayari, ay inyong dinukit sana ang inyong mga mata at ibinigay sa akin.
- 16Kaya nga ako baga'y naging kaaway ninyo, sa pagsasabi ko sa inyo ng katotohanan?
- 17May nangagmamalasakit sa inyo sa hindi mabuting akala; subali't, ang ibig nila ay ihiwalay kayo, upang ipagmalasakit ninyo sila.
- 18Datapuwa't mabuti ang ipagmalasakit sa mabuting bagay sa lahat ng panahon, at hindi lamang samantalang ako'y kaharap ninyo.
- 19Maliliit kong mga anak, na muli kong ipinagdaramdam sa panganganak hanggang si Cristo ay mabadha sa inyo.
- 20Datapuwa't, ibig kong makaharap ninyo ako ngayon, at baguhin ang aking tinig; sapagka't ako'y nagaalinlangan tungkol sa inyo.
- 21Sabihin ninyo sa akin, kayong nagsisipagnasang mapasa ilalim ng kautusan, hindi baga ninyo naririnig ang kautusan?
- 22Sapagka't nasusulat, na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, ang isa'y sa aliping babae, at ang isa'y sa babaing malaya.
- 23Gayon man ang anak sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman; nguni't ang anak sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.
- 24Ang mga bagay na ito'y may lamang talinghaga: sapagka't ang mga babaing ito'y dalawang tipan; ang isa'y mula sa bundok ng Sinai, na nanganganak ng mga anak sa pagkaalipin, na ito'y si Agar.
- 25Ang Agar ngang ito ay bundok ng Sinai sa Arabia, at ito'y katulad ng Jerusalem ngayon: sapagka't ito'y nasa pagkaalipin kasama ng kaniyang mga anak.
- 26Nguni't ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ina natin.
- 27Sapagka't nasusulat, Magsaya ka, Oh baog na hindi nanganganak; Magbiglang umawit at humiyaw ka, ikaw na hindi nagdaramdam sa panganganak: Sapagka't higit pa ang mga anak ng pinabayaan kay sa mga anak ng may asawa.
- 28At tayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak sa pangako.
- 29Datapuwa't kung papaanong yaong ipinanganak ayon sa laman ay nagusig sa ipinanganak ayon sa espiritu, ay gayon din naman ngayon.
- 30Gayon man ano ang sinasabi ng kasulatan? Palayasin ang aliping babae at ang kaniyang anak: sapagka't hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.
- 31Kaya nga, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.