I Mga Taga-Corinto 12
- 1Ngayong tungkol sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam.
- 2Nalalaman ninyo na nang kayo'y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo.
- 3Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
- 4Ngayo'y may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't iisang Espiritu.
- 5At may iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon.
- 6At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
- 7Datapuwa't sa bawa't isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
- 8Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:
- 9Sa iba'y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.
- 10At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang iba't ibang wika; at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
- 11Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig.
- 12Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.
- 13Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
- 14Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.
- 15Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
- 16At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
- 17Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.
- 18Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.
- 19At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?
- 20Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
- 21At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.
- 22Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:
- 23At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
- 24Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
- 25Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.
- 26At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.
- 27Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.
- 28At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.
- 29Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?
- 30May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?
- 31Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.